TINIYAK ng mga lider ng Kamara de Representantes na wala silang plano upang buwagin ang Senado sa kanilang isinusulong na reporma sa Konstitusyon.
Ito ang sinabi nina Rizal Rep. Jack Duavit, ang lider ng Nationalist People’s Coalition (NPC) bloc sa Kamara, Deputy Speaker at Ilocos Sur Rep. Kristine Singson-Meehan, Senior Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr., at Bataan Rep. Albert Garcia, secretary general ng National Unity Party (NUP).
Sinabi ng mga ito na ang pangamba na plano ng Kamara na buwagin ang Senado ay nasa isip lamang ng nagpapahayag nito.
Muli ring iginiit ng mga kongresista ang pagsuporta ng Kamara at ng liderato ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 ng Senado na naglalayong amyendahan ang economic provision ng Konstitusyon
Ang RBH No. 6 ay akda nina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senators Loren Legarda, at Juan Edgardo Angara. Ang panukala ay isinumite sa special subcommittee na pinamumunuan ni Angara.
Sa Senado ang mga miyembro ng NPC ay sina Sen. Loren Legarda, Francis Escudero, Lito Lapid, Sherwin Gatchalian, at Joseph Victor Ejercito.
Ayon sa mga kongresista, suportado nila ang pag-amyenda sa economic provision ng Konstitusyon upang mas malayang makapagnegosyo sa Pilipinas ang mga dayuhang mamumuhunan na pinagbabawalan na mag may-ari ng negosyo sa bansa.
Iginiit naman ni Gonzales, stalwart ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), na hindi kasama ang political amendments sa isinusulong ng Kamara.
Umapela naman sa mga senador si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, stalwart ng Nacionalista Party (NP), na maging mahinahon at iginiit ang kahalagahan ng pagkakaroon ng parliamentary courtesy sa pagitan ng Senado at Kamara.
Ganito rin ang sinabi ni Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, pangulo ng Party-List Coalition Foundation, Inc. (PCFI).
Nagpahayag din ng pagsuporta si House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe sa RBH 6 ng Senado.
Ayon naman kay Camiguin Rep. Jesus Jurdin Romualdo nahuhuli ang Pilipinas sa mga karatig-bansa nito sa paghikayat ng dayuhang pamumuhunan.
Iginiit nina Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jay-jay” Suarez at Agusan del Norte Rep. Jose “Joboy” Aquino II ang kahalagahan ng pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon upang madagdagan ang mga mapapasukang trabaho at kabuhayan ng mga Pilipino.