KAMARA SUPORTADO ANG AMNESTY PROGRAM SA MGA REBELDE

Leyte Rep Martin Romualdez

NAKAHANDA ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na agad maaprubahan ang inihaing apat na magkakahiwalay na resolusyon na pawang sumasang-ayon sa proklamasyon na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagkakaloob ng amnestiya sa mga kasapi ng iba’t-ibang rebel organizations.

Ito ang inihayag ni House Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez kasunod nang pagsusumite sa joint-Committee on Justice at Committee on National Defense ng House Concurrent Resolution (HCR) Nos. 12, 13, 14 at 15 para maisalang sa kaukulang deliberasyon.

Ang nasabing mga resolusyon ay iniakda nina Speaker Lord Allan Velasco, Romualdez at House Minority Leader and Abang Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano, na nagpapahayag ng pagsuporta na bigyan ng

amnesty ang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), Moro National Liberation Front (MNLF), Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB) at ng Communist Terrorist Group (CTG).

“We are one with President Rody Duterte’s efforts to attain peace and reconciliation in the country. We recognize this crucial need to accept the request of former combatants for amnesty so we could further stabilize our country and move towards healing, reconciliation, and reintegration,” ayon pa Leyte province lawmaker.

“We commit that the House of Representatives, under the leadership of Speaker Lord Allan Velasco, will work towards the timely adoption of these amnesty resolutions in line with the government’s peace program,” dagdag ng chairman ng makapangyarihang House Committee on Rules.

Magugunita na noong February 5 ng kasalukuyang taon ay nagpalabas si President Duterte ng Proclamation Nos. 1090, 1091, 1092, at 1093 para sa pagkakaloob ng amnesty sa MILF, MNLF, MILF, RPMP-RPA-ABB, at CTG members na kinasuhan sa paglabag sa Revised Penal Code (RPC) o iba pang special penal laws sa pagsusulong ng kanilang idelohiya o ipinaglalaban.

Nilinaw naman ng mambabatas na hindi sakop ng amnestiyang ito ang kasong kidnap for ransom, massacre, rape, terrorism at iba pang crimes against chastity alinsunod sa itinakda ng amended RPC, krimen na nagawa sa personal na kadahilanan; paglabag sa RA No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Act of 2002; grave violations sa Geneva Convention of 1949; iba pang krimen na tinukoy ng United Nations (UN) na hindi maaaring bigyan ng amnesty gaya ng genocide, crimes against humanity, war crimes, torture, enforced disappearances at iba pang gross violations ng human rights.

Sinabi ni Romualdez na kapag kapwa sinusugan ng Senado at Lower House ang nabanggit na presidential proclamations, bubuo ang pamahalaan ng Amnesty Commission na siyang magsasagawa ng pagsusuri at magbibigay ng rekomendasyon sa isusumite dito na aplikasyon para sa amnesty grant.

Ang mga rebeldeng nagnanais na makakuha ng amnestiya ay maaaring magpasa ng kanilang aplikasyon sa nasabing komisyon sa loob ng isang taon mula sa pagpapatupad ng proklamasyon. ROMER R. BUTUYAN

One thought on “KAMARA SUPORTADO ANG AMNESTY PROGRAM SA MGA REBELDE”

Comments are closed.