CAMP CRAME – ANG pagpapalakas sa kampanya laban sa illegal drugs ang dahilan kaya itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si PLCol. Jovie Espenido sa Bacolod City.
Ito ang agad na paglilinaw ni Philippine National Police (PNP) Spokesman BGen. Bernard Banac sa naging pahayag at atas ng Pangulo kay Espenido.
Magugunitang inutusan ng Pangulo si Espenido na pagpapatayin ang lahat ng masasangkot sa ilegal na droga sa Bacolod City.
Iginiit ni Banac, nais lamang ng Pangulo na palakasin ang kampanya laban sa ilegal na droga, labanan ang krimen at mga police scalawag.
Giniit ni Banac na iginagalang ng PNP ang rule of law, due process at ang karapatang pantao sa lahat ng kanilang isinasagawang operasyon.
Matatandaang, naging kontrobersyal na si Espenido bago pa man ito italaga bilang deputy director for operations ng Bacolod City PNP dahil nasa likod umano ito ng pagpatay kina dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa noong taong 2016.
Maging kay dating Ozamis City Mayor Reynaldo Parojinog sa parehong taon dahil sa pagkakasangkot ng dalawang alkalde sa malawakang operasyon ng ilegal na droga sa bansa. JAYMARK DAGALA/DWIZ882AM