MAGPAPATULOY ang kampanya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa mga pinaghihinalaang grupo o sindikato na nasa likod ng P25.5 bilyong resibo scam at nagbabala ang ahensiya na kakasuhan ang mga ito ng economic sabotage.
Si BIR Assistant Commissioner for Large Taxpayers Service (LTS) Jethro Sabariaga ay mahigpit na tinagubilinan ni Revenue Commissioner Romeo Lumagui, Jr. na busisiin at mahigpit na bantayan ang mga aktibidad ng 1st 5,000 big-time taxpayers na nasa ilalim.ng pamamahala nito para tiyaking hindi mandaraya at sumusunod sa patakaran ng gobyerno sa pagbabayad ng tamang buwis.
Bunsod ito ng pagkakadiskubre ng BIR sa modus ng sindikato na kinabibilangan ng mga bantog na certified public accountant (CPA’s) na umano’y kakuntsaba ng mga negosyante na sinampahan ng kaso sa Department of Justice
(DOJ) dahil sa pandaraya sa pagbabayad ng buwis.
“Isa itong babala sa lahat ng mga negosyante sa bansa, partikular sa hanay ng mga propesyunal tulad ng CPAs na hindi biro at seryoso si Commissioner Lumagui na lansagin, kundi man ay kasuhan sa korte ng economic sabotage ang sinumang mauugnay o masasangkot sa illegal na gawain tulad ng nadiskubreng P2.5 bilyong resibo scam,” pahayag ni LTS Assistant Commissioner Sabariaga sa isang panayam.
Kasunod nito, nanawagan si Sabariaga sa taxpaying-public na tumupad nang maaga sa paghahain ng taunang income tax returns at huwag nang hintayin pa ang itinakdang deadline nito sa Abril 15, upang hindi magahol sa oras.
“We have a list of all the buyers and sellers of this ghost receipts, including the accountants that allowed the buyers and sellers to profit from these ghost receipts by evading taxes. Business and taxpayers who use this ghost receipts in their returns will not only be audited by the BIR, they will also be arrested and spend 6-10 years in prison,” sabi ni Commissioner Lumagui.
Ang mga accountant na sangkot sa ganitong katiwalian at kinokonsiderang mga “conspirator” sa ghost receipts scam ay sisiguruhin ng mga awtoridad na mababawian ng lisensiya sa kanilang propesyon at mahaharap sa kasong economic sabotage.
Kaugnay ng nalapit na filing ng ITR, tiniyak kay Commissioner Lumagui nina Metro Manila BIR Regiinal Directors Albin Galanza (East NCR), Gerry Dumayas (Caloocan City), Dante Aninag (Makati City), Edgar Tolentino (South NCR), Bobby Mailig (Quezon City) at Renato Molina (Manila) na saan mang dako ay bukas ang kanilang tanggapan para tumulong sa lahat ng taxpayers sa pagpa-file ng ITR sa itinakdang deadline.
Ang tax collection goal ng BIR ngayong fiscal year ay nasa P2.7 trilyon.
Ang kabuuang P1.7 trilyon ng nasabing tax goal ay nakatokang kolektahin ng LTS, samantalang ang 50% ng kabuuang P2.7 trilyon o P1 trilyon ay nakaatang na kolektahin ng Revenue District Officers (RDOs) sa buong kapuluan.