KANINO ANG GAME 3? (Beermen, Texters agawan sa 2-1 bentahe)

Pba game 3

Laro ngayon:

(Araneta Coliseum)

7 p.m. – San Miguel vs Talk ‘N Text

Game 3, Serye tabla sa 1-1

NAKUHA ang momentum makaraang maitabla ang serye sa 1-1, target ng San Miguel Beer ang ikalawang sunod na panalo at kunin ang bentahe laban sa Talk ‘N Text sa Game 3 ng best-of-7  PBA Commissioner’s Cup finals ngayon sa Smart Araneta Coliseum.

Nakatakda ang sagupaan ng Beermen at Tropang Texters sa alas-7 ng gabi kung saan inaasahang magiging kapana-panabik ang laro dahil kapwa determinado ang dalawang koponan na makalapit ng dalawang hakbang sa pinakaaasam na titulo.

Kinuha ng TNT ang series opener subalit bumawi ang SMB sa Game 2 makaraang maitakas ang 127-125 double overtime win.

Inaasahang sasamantalahin ni SMB coach Leo Austria ang momentum para makaulit sa TNT.

“We got the momentum. We will exploit it to the hilt to our advantage. The win in Game 2 gave us lots of confidence and we will go for a kill to seize the initiative,” sabi ni Austria.

Puntirya ni Austria ang ika-8 titulo magmula noong 2015 at biguin ang ambisyon ni Mark Dickel na maitala ang kanyang ­pangalan bilang unang New Zealand coach na nagkampeon sa PBA.

Huling nakatikim ng korona ang TNT noong 2015 sa panahon ni coach Jong Uichico.

Muling pamumunuan ni Chris McCullough ang mainit na opensiba ng SMB, katuwang sina June Mar Fajardo, Alex Cabagnot, Marcio Lassiter, Arwind Santos, Chris Ross, Terrence Romeo at Christian Standhardinger.

Bukod sa scoring, babantayan din nina Fajardo at Standhardinger ang shaded area para hindi maka-penetrate ang TNT. Makikipagbalyahan ang dalawa kina TNT bigmen Kelly Williams, Jay Washington at reliever Yousef Taha.

Tiyak namang babawi si Dickel sa kabiguang nalasap sa Game 2 ngunit kailangang maglaro nang husto ang kanyang tropa, sa pangunguna ni ace gunner at  FIBA Asia veteran Jayson Castro.

Kasama ni Castro sa firing line sina Roger Pogoy, Troy Rosario, Don Trollano, Anthony Semerad, Ryan Reyes, Williams at dating SMB player Brian Heruela. CLYDE MARIANO

Comments are closed.