KAPAG KULANG ANG MALASAKIT

MAYROON akong kakilala na nagbahagi ng isang nakalulungkot na kuwento na nangyari sa isang exclusive subdivision kung saan siya nakatira sa Cavite.

Isang buntis na asong gala (aspin) ang nakapasok sa gated community na ito at nakahanap ng silungan sa isang bakanteng bahay. ‘Di nagtagal ay nanganak siya ng tatlong tuta. Ilang araw ang nakalipas at natuklasan sila ng mga guwardiya rito at itinaboy sila mula sa bahay.

Desperado ang aso na maprotektahan ang kanyang mga bagong silang, kaya nakahanap siya ng isang tagong lugar sa clubhouse ng subdivision. Maaaring na­ging ligtas na lugar sana ito para sa kanya at sa kanyang mga tuta dahil may ilang mga residente ang nagbibigay ng pagkain sa mga aso. Ngunit sa kasamaang palad, isang opisyal mula sa homeowners’ association ng subdivision ang nag-utos sa mga guwardiya na tanggalin ang aso at mga tuta nito, upang maiwasan ang posibleng insidente ng pangangagat.

Lumala ang sitwasyon nang lumitaw na ang subdivision at ang security agency nito ay may malabo at hindi makatarungang polisiya sa paglutas ng mga problemang gaya nito. Ayon pa sa nagkuwento, isang mataas na opisyal ng security agency ang nag-utos na itapon ang aso sa likod ng perimeter wall. Sa kabilang bahagi ng pader na ito ay matatagpuan ang isang malagubat na lupain, isang lugar na may mahabang creek, matarik na lupa, makakapal na halaman, mga ahas, at walang mapagkukunan ng pagkain.

Isang mahalagang tanong ang dulot nito: Ito ba ang kanilang SOP tuwing makakahanap ng aso at pusang gala at mga inabandonang hayop? Ang itapon ang mga ito sa likod ng pader upang maiwasan ang mga posibleng insidente ng pangangagat na maaaring makasira sa kanilang reputasyon? Kung ganoon nga, gaano karaming mga aso at pusang gala na kaya ang kanilang itinapon sa ga­nitong paraan sa loob ng mga nakalipas na taon?

 (Itutuloy…)