(Kapag napatunayan ang iregularidad)3 KOMPANYA SA SUGAR SMUGGLING I-BLACKLIST

BINIGYANG-DIIN ni Senadora Risa Hontiveros na dapat permanenteng i-blacklist ng Department of Agriculture (DA) ang tatlong trading firms na dawit sa “government-sponsored” sugar smuggling scandal kapag napatunayan ang iregularidad.

Ginawa ni Hontiveros ang pahayag kasabay ng muling panawagan para sa agarang imbestigasyon ng Senado ukol sa panibagong “sugar import fiasco.”

Ayon kay Hontiveros, nauna nang naghain ng Senate Resolution No. 497 para siyasatin ang nasabing isyu, dapat alamin kung may iregularidad o criminal liability ang All Asian Countertrade Inc., Sucden Philippines Inc. at Edison Lee Marketing Corp. dahil na rin sa kanilang papel sa napabalitang ilegal na importasyon ng daan-daang libong metric tons ng asukal sa bansa.

“Madaming tanong na kailangang masagot, lalo na pagdating sa pananagutan nitong tatlong kompanya na nakaambang solohin ang importation ng sugar supply ng bansa. Kung sangkot sila sa kapabayaan o anomalya, dapat ay agaran silang ilagay sa blacklist ng DA at sampahan ng kasong kriminal o administratibo,” ani Hontiveros.

“I urge the three companies to cooperate with all investigations over this issue. They still have time to choose not to be fully embroiled in such a brazen and outrageous conspiracy. Kung naipit lang sila, then they should immediately reveal to the public the individuals who may be truly responsible for this ‘Sugar Import Fiasco 2.0’,” dagdag pa niya.

“Likewise, I urge our fellow government officials in the relevant agencies to reveal efforts to pressure you or others to enable, protect or cover up illegal acts. Tandaan natin: 20 years ang prescription period for crimes like agricultural smuggling – plenty of time for the truth to come out. Baka sa huli, you will be left holding the bag, while they are laughing all the way to the bank,” babala ni Hontiveros.

Sa isang press conference, ibinulgar ni Hontiveros ang mga dokumentong nagpapakita na binigyan ang tatlong naturang kompanya ng “go signal” na mag-angkat ng 450,000 metric tons ng asukal kahit wala pang Sugar Order mula sa Sugar Regulatory Administration (SRA) na kailangan sa ilalim ng batas.

Ito ay nasundan ng pag-amin ni DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban na siya ang namili sa tatlong kompanya at ang kanyang basehan ay memorandum lamang mula sa Office of the Executive Secretary.

“Sino ba ang nagkakakamada na siguraduhing tatlong kompanya lang ang papayagang mag-angkat ng kailangang asukal ng buong bansa? Who is orchestrating this conspiracy-in-the works to commit large-scale agricultural smuggling and virtual economic sabotage?” tanong ng senadora.

Muling hinimok ni Hontiveros ang kanyang mga kasamahan sa Senado, at ang iba pang ahensiya ng pamahalaan na agarang solusyonan ang isyu upang mapigilan ang “economic damage” na idudulot sa bansa ng nasabing malaking smuggling operation.

Aniya, nakapasok na sa port of Batangas nitong Pebrero 9 ang tinatayang 260 na 20 foot containers ng asukal na diumano ay consigned sa All Asian Countertrade Inc, kahit pa walang sapat na permit o kailangang dokumentasyon.

“There is a reason why we have strict laws against smuggling of agricultural goods – they prevent greedy individuals from hoarding our food supply and keeping prices of agricultural goods unjustly high. Kailangan nating agarang aksyunan ang isyu na ito upang mapapababa ang presyo ng asukal at ng iba pang pagkain na kailangan ng bawat pamilya,” dagdag ni Hontiveros.

VICKY CERVALES