NAKAHANDA ang Department of Trade and Industry (DTI) na alisin ang instant noodles mula sa reetail markets sa sandaling magpalabas ang Food and Drug Administration (FDA) ng recall order kapag ang naturang mga produkto ay napatunayang nagtataglay ng mataas na lebel ng asin.
Ayon kay DTI Undersecretary for Consumer Protection Ruth Castelo, inendorso na ni Trade Secretary Alfredo Pascual ang alalahanin ni Senador Raffy Tulfo hinggil sa sodium content ng instant noodles sa FDA at sa Department of Health (DOH).
Sa budget hearing ng DTI, sinabi ni Tulfo na ang iba’t ibang brands ng instant noodles ay nagtataglay ng mahigit sa 1,600 milligrams (mg) ng asin gayong ang isang tao ay maaari lamang kumonsumo ng 2,000mg ng asin kada araw.
Sinabi ni Castelo na may kapangyarihan ang FDA na ipa-recall ang mga produktong sobra-sobra ang sodium content tulad ng instant noodles.
“Kapag nakapaglabas na ng recall order ang FDA, katulong nila ang DTI sa pag-enforce nito,” aniya.
Dagdag pa ng opisyal, kapag ipinag-utos ng FDA ang recall ay tatanggalin ng ahensiya sa bulletin ang instant noodles at sisiguraduhin na hindi na ito nabebenta sa retail market
“Actually, nagpapasalamat kami kay Senator Tulfo for bringing this up in the budget hearing… medyo naalerto din ang DTI,” ani Castelo.