(Kapag tinanggal o pinalawig ang ECQ sa Mayo 16) CONTINGENCY PLAN SA ‘NEW NORMAL’ KASADO NA NG PNP

Cascolan

CAMP CRAME-TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang kahandaan sa mga posibleng senaryo kapag  pinalawig  o tinanggal ang community quarantine (ECQ) makaraan ang Mayo 15 ngayong taon.

Noong Marso 15 ay isinailalim ang Metro Manila sa community quarantine, Marso 16 ay Luzon-wide ECQ at isinama na rin ang ilang rehiyon na may naitalang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) hanggang Abril 30 subalit pinalawig ito hanggang Mayo 15 habang ang ibang may mababang kaso ng sakit ay general community quarantine (GCQ).

Samantala, ang tinukoy ni Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, PNP Deputy Chief for Administration, ay ang preemptive measures nilang ikinasa sakaling tanggalin na ang ECQ dahilan para dumagsa ang tao sa mga pampublikong lugar gaya sa mga bus/jeep terminal, pantalan, pamilihan at maging sa dasalan sa nasabing petsa.

Gayundin din aniya ang posibleng sentimyento ng mga manggagawang nahinto sa trabaho na nangangamba sakali namang mapalawig pa ang ECQ.

“Community pa lang ang quarantine noon ang ibinabang kaustusan ni Presidente (Pangulong Rodrigo Duterte) ay mayroon na kaming contingency planning, ‘yung aming preemptive measures laban sa mga mag-aalsa sakaling may shortage of food,” ayon kay Cascolan.

Dagdag pa ni Cascolan, mayroon din silang red teaming gaya sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na bahagi ng kanilang inilatag na seguriad pagkatapos ng Mayo15.

“ May red teaming din kami diyan, kung ano ang dapat gawin after May 15, everything is being  taken care of at ‘yung aming anti-riot police ay pinag-prepare na namin o binigyan na ng direktiba na mag- practice kasama na ang mga nasa region para ma-preempt ang posibleng untoward movement ng mga tao o rally,” paliwanag pa ni Cascolan.

Sinabi ni Cascolan na kanyang ia-apply ang ginamit na  formula sa crisis incident management noong  Enero 2013  bilang  provincial direc-tor ng Compostella Valley nang magbarikada ang ilang Typhoon Pablo survivors nang magutom dahil sa kawalan ng pagkain.

Ang paghahanda ay inihayag ng heneral upang hindi maduplika sa bansa ang nangyari sa North Carolina, USA makaraang mag-rally ang mga nawalan ng trabaho dahil sa matagal na lockdown at iginiit na buksan na ang lugar para makapaghanapbuhay sila.

Noong Martes, Mayo 5,  batay sa Facebook account ni PNP Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa ay nakasaad na nagkaroon na ng command conference kung saan ang pinaghahandaan ay ang pagpasok ng ‘new normal’  o ang post-COVID sa Mayo 16.

“We discussed among others, the policy guidance and operational matters in the current implementation of ECQ and GCQ during this national emergency  and the new normal that we may expect post-COVID,” nakasaad sa socmed ni Gamboa. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.