KAPAKANAN, KABUHAYAN NG ATLETA PRAYORIDAD NG GAB

IPINAHAYAG ni Games and Amusements Board (GAB) Chairman Richard Clarin na prayoridad ng kanyang liderato na mabigyan ng seguridad at mapangalagaan ang kapakanan ng professional athletes, partikular ang boxers sa panahon ng kanilang career hanggang sa pagreretiro.

Iginiit ni Clarin na matagal nang alalahanin ng ahensiya ang pagbibigay ng programa na nakatuon sa pangkalusugan, kabuhayan at benepisyo sa mga atletang Pinoy kung kaya sinisimulan na niya ang pakikipag-usap sa mga ahensiya ng pamahalaan at sektor na kabahagi sa programa at kaunlaran ng professional sports sa bansa.

“Just last Monday, umatend ako ng hearing sa House Committee on Sports para sa GAB Strengthening Bill. Ito po yung Bill na itinutulak ni dating swimming champion Congressman Eric Buhain at iba pang sports minded Congressman tulad nina Cong, Gus Tambunting at Cong. Ferrer at talagang masinsin na napag-usapan doon yun Athletes Welfare Fund. Alam naman natin na ito ang talagang concern ng GAB mula pa noon. So far, yung boxers trust fund ng GAB eh, napakaliit lang naman ng pondo kaya hindi natin talaga naibibigay yung tulong sa mga atletang nagkakasakit, nabaldado at nagretiro na walang pera, nakakaawa lalo na ang pamilya,” pahayag ni Clarin.

“Ang adbokasiya natin dito sa GAB ay mapangalagaan ang kapakanana ng mga atleta kaya’y kami ay talagang nakikipag-usap maging sa ating mga international counterpart para masiguro na hindi agrabyado ang ating mga atleta,” aniya.

Sinabi ni Clarin na nakipag-usap na sila sa Thailand-WBC at Japan Boxing Commission kung saan nakipagkasundo sila para hindi malagay sa alanganin ang mga Pinoy boxers sa paglaban sa kanilang bansa.

“Napagkasunduan namin na huwag nilang payagang lumaban ang ating mga boxers kung walang maipakitang LOA (Letter of Authority’s) mula sa GAB. Tingnan nila ang record ng mga boxers kung talagang fit na lumaban sa kategoryang yan. Sa ganitong paraan maiiwasan na lumaban ang mga boxers sa mismatch,” aniya.

Nakahanda na, ayon kay Clarin, ang pakikipagpulong sa iba pang mga bansa para sa parehong memorandum of agreement (MOA) na ipatutupad ng GAB.

Sa mga promoter, manager, matchmaker o anumang grupo na patuloy pa ring gagawa ng kalokohan at matataya sa alanganin ang mga Pinoy boxer sa abroad, diretsang nagbabala si Clarin.

“‘Pag ang mga boxers natin ang nalagay sa alanganin dahil sa kalokohan nila, patay kayo sa akin. Kung ordinary issue lang o kamalian, baka puwede pa nating pag-usapan, ngunit kung mapatunayan na niloko nila ang ating mga boxers, mananagot sila,” sambit ni Clarin, dating letigator sa isyu ng mga manggagawa sa mga union.

Sinabi rin ni Clarin na nakikipag-usap na siya sa mga opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) para maisama ang mga pamilya ng atleta sa ipinatutupad na programa ng ahensiya para sa trabaho at kabuhayan.

“Sa panahon kasi na walang laban, wala ring pera angmga boxers. Magtatraining pa yan at kailangang magbayad. Kung may livelihood programa para sa kanilang pamilya,hindi na rin poproblemahin ng boxers ang kanyang pamilya at talagang focus na lang sila sa training.”

EDWIN ROLLON