(Kapangyarihan ipinalilipat sa DA)SRA IPINABUBUWAG

SA pamamagitan ng House Bill No. 5081 na inihain ni Manila 6th Dist. Rep. Bienvenido Abante Jr. ay binigyang-diin ang pangangailangang buwagin na sa lalong madaling panahon ang kontrobersiyal na Sugar Regulatory Administration (SRA).

Tahasang itinuring ni Abante, chairman ng House Committee on Human Rights, na isang masaklap na katotohanan na mismong ang nasabing ahensiya pa ang dahilan ng problema pagdating sa usapin ng asukal sa bansa.

Ayon kay Abante, sa panahong naitatag ang SRA, tila hindi na nawala ang puna ng ‘incompetence’ sa naturang ahensiya.

Dismayado rin ang Manila lawmaker na sa gitna ng nakaambang ‘food crisis’ at kasabay ang pagkakaroon ng bansa ng ‘problematic sugar industry’ ay wala umanong ginawa ang SRA para masolusyunan ang nabanggit na mga problema

Nagtataka rin ang mambabatas kung bakit walang naging kongkretong hakbang ang SRA para mapataas ang local sugar production at mapatatag ang suplay ng asukal sa bansa.

Pinuna rin ni Abante ang mataas pa rin na presyo ng asukal sa merkado, na malaking pabigat sa mga ordinaryong mamamayan at maging sa maliliit at malalaking negosyo, lalo’t umiiral pa rin ang pandemya.

Sa kanyang panukalang batas, iginiit ng kongresista na maaaring i-abolish ng Kongreso ang SRA, na binuo lamang sa ilalim ng Executive Order No. 18.

Iminungkahi ni Abante na ang kapangyarihan at tungkulin ng SRA ay mailipat na lamang sa Department of Agricultre (DA), kasama na ang lahat ng mga rekord at dokumento nito kaugnay sa pagpapatupad ng regulasyon sa local sugar industry.

ROMER R. BUTUYAN