ITATAYA ng Magnolia ang malinis na marka sa pakikipagtipan sa Meralco sa PBA On Tour ngayong Linggo sa Filoil EcoOil Centre sa sa San Juan.
Nakatakda ang salpukan ng Hotshots at Bolts sa alas-7:30 ng gabi matapos ang sagupaan ng San Miguel at Blackwater sa alas-5 ng hapon.
Tangan ng Hotshots ang 6-0 kartada sa unahan ng standings habang ang Bolts ay nasa ikatlong puwesto na may 4-2 record sa likod ng walang larong Rain or Shine (5-1).
Bahagyang nakalalamang ang Magnolia sa Meralco dahil malalim ang kanilang bench at nasa kanila ang deadly trio nina Paul Lee, Marc Andy Barroca at Calvin Abueva na inaasahang pamumunuan ang opensiba ng Hotshots, katuwang sina Jio Jalalon, Rome dela Rosa, Ian Sangalang, Rafi Reavis, Aris Dionisio, at Jerricck Ahanmisi.
Sa kabila na pinapaboran ay sinabi ni coach Chito Victolero na wala silang planong magkampante para mapangalagaan ang kanilang walang dungis na marka.
“Wala mang nakatayang korona, kailangan pa ring maglaro kami nang husto at manalo hindi lang para mapanatili ang malinis na record, magiging morale booster sa kanila sa susunod na conference,” sabi ni Victolero.
Mataas ang morale ng Meralco makaraang manalo sa huli nilang laro kontra sister team Talk ‘N Text, 108-90.
Samantala, sisikapin ng kulang sa taong Beermen na putulin ang four-game losing streak upang mapaganda ang kanilang 2-5 record.
Si Tautuaa ay may back problem, si Romeo ay may calf issues at sumailalim si Manuel sa surgery kamakailan at inaasahang babalik sa July 8.
Puntirya naman ng Bossing na masundan ang 92-90 panalo laban sa Phoenix Super LPG noong nakaraang linggo upang umangat sa 5-3.
–CLYDE MARIANO