(Kapit sa no. 1 pinahigpit) GOLD PA MORE SA PINAS

Pinas Sea games

KASABAY ng pagbuhos ng ulan ay ang pagbuhos ng medalyang ginto sa Filipinas sa ikatlong araw ng aksiyon sa 30th Southeast Asian Games kahapon.

Sa nalikom na 47 gold, 30 silver at 16 bronze medals hanggang alas-7:44   kagabi, pinahigpit ng host country ang kapit sa pangu­nguna sa medal standing. Nasa ikalawang puwesto ang Vietnam na may 23-27-25, sumusunod ang Malaysia na may 15-4-13.

Pinangunahan ni Carlos Yulo ang pananalasa ng Filipinas nang kunin ang kanyang ikalawang gold medal sa SEA Games gymnastics competition makaraan ang sensational performance sa floor exercise sa Ninoy Aquino Stadium.

Sa harap ng rabid crowd sa venue na malapit lamang sa kanyang childhood home sa Leveriza, ang 19-year-old sensation ay nagpasiklab sa kaparehong event kung saan siya nanalo ng ginto sa World Artistic Gymnastics Championship sa Germany.

Tumapos si Yulo na may 14.70. Puma­ngalawa si Tikumporn Surintornta ng Thailand matapos ang 13.833 output, habang nagkasya si Zul Bahrin Mat Asri ng Thailand sa bronze sa naitalang 13.767 points.

Ipinagpatuloy naman ng Philippine arnis team ang kanilang dominasyon sa biennial meet sa pagdagdag ng dalawa pang gold medals at dalawang silver sa medal haul nito sa Angeles University Foundation sa Pampanga.

Nag-ambag sina Crisamuel Delfin at Mary Allin Aldeguer ng tig-isang gold medal makaraang pagharian ang men’s anyo non-traditional at women’s anyo non-traditional events, ayon sa pagkakasunod.

Nagbigay naman ang national wushu players ng lima pang ginto sa sanda events.

Sa 48kg category ay ginapi ni Divine Wally ang kanyang Vietnamese counterpart para sa gold sa women’s division, habang nakopo ni Jessie Aligaga ang kanyang sariling ginto sa men’s division.

Pinataob ni Arnel Mandal ang kanyang Indonesian opponent sa 52kg category, habang namayani si Francisco Solis kontra Indonesia sa 56kg category para magdagdag ng dalawa pang golds.

Sinelyuhan ni Clemente Tagubara, Jr. ang gold rush para sa sanda events sa kanyang panalo laban sa Thailand sa 65kg finals.

Nauna rito ay nasungkit ni Agatha Wong ang kanyang ika­lawang gold sa wushu event at kinuha ng trio nina Johnzenth Gajo, Jones Inso at Thornton Sayan ang bronze sa Men’s Taolu Duilian Final.

Si Wong ay unang nagwagi ng gold medal sa taijiquan event noong Linggo.

Samantala, sisikapin ng host country na wakasan ang 10-year gold medal drought  sa pagsalang ng Filipinos tankers sa aksiyon sa pagsisimula ng swimming championships nagyon sa New Clark City Aquatic Center.

Ang huling pagkakataon na nagwagi ang PH tankers sa SEA Games ay noong 2009 nang lumangoy si Miguel Molina ng pares ng ginto sa men’s 200 at 400-meter individual medley, habang sumisid sina Daniel Coakley at Ryan Arabejo ng tig-isa sa men’s 50-meter freestyle at men’s 1,500-meter freestyle, ayon sa pagkakasunod.

Pitong golds ang nakataya sa Day 1 ng swimming, kung saan sisikapin nina Filipino-Americans James Deiparine at Remedy Rule na wakasan ang drought sa pagiging paborito sa kani-kanilang events.  Magsisimula ang heats sa alas-9 ng umaga habang ang finals ay sa alas-6 ng gabi. CLYDE MARIANO

Comments are closed.