KAPIT SA NO. 3 HIHIGPITAN NG BOLTS

pba

Mga laro ngayon:
(Ynares Arena-Pasig)
5 p.m. – TNT vs Meralco
7:30 p.m. – NLEX vs San Miguel

PUNTIRYA ng Meralco ang ika-4 na panalo sa anim na laro at patatagin ang hawak sa ikatlong puwesto laban sa wala pang panalong sister team Talk ‘N Text sa PBA On Tour ngayong Miyerkoles sa Ynares Center sa Pasig.

Nakatakda ang salpukan ng Bolts at Tropang Giga sa alas-5 ng hapon.

Sa main game sa alas-7:30 ng gabi ay target ng San Miguel Beer ang ikatlong panalo sa pitong laro sa pakikipagtipan sa NLEX.

Hawak ng Bolts ang 3-2 kartada sa likuran ng league-leading Magnolia (7-0) at Rain or Shine (4-1).

Pinapaborang manalo ang Meralco kontra TNT dahil kulang sa players ang Tropang Giga na kasama sa Gilas pool na sasabak sa FIBA World Cup na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum at Mall of Asia Arena.

Natalo ng apat na sunod ang TNT at nanganganib na lalong malubog sa kamay ng Meralco na papasok sa court na intact ang lineup, sa pangunguna ni top gunner Alein Maliksi.

‘Yan ang suliranin ni TNT coach JoJo Lastimosa dahil mahihirapan siyang makahulma ng epektibong pormula sanhi ng kakulangan sa players at aasa sa kanyang second unit laban sa Meralco.

Ang TNT ang nagiisa sa 12 koponan na hindi pa nakakatikim ng panalo.

Katuwang ni Maliksi sa opensiba ng Meralco sina Chris Newsome, Cliff Hodge, Kier Quinto, Aaron Black, Raymond Almazan at Anjo Caram laban sa tropa nina Kib Montalbo, Glenn Khobuntin, Ryan Reyes, Dave Marcelo, Matt Ganuelas Rosser at Frederick Tungcab.

Tulad ng TNT na kulang sa players, kailangang maglaro nang husto ang SMB upang makuha ang ikalawang sunod na panalo at panatilihin ang paghahari sa NLEX.

-CLYDE MARIANO