MAYNILA – HINDI na naisalba ang buhay ng isang kapitan ng barangay makaraang tambangan sa kalsada ng Gagalangin, Tondo.
Ayon kay Police Col. Gene Licud, hepe ng station 7 ng Manila Police District, nakilala ang biktima na si Alfedo Lansigan, kapitan ng Barangay 161, Zone 14, Gagalangin.
Nagtamo ang biktima ng dalawang tama ng bala ng baril sa katawan.
Naisugod pa ito sa Chinese General Medical Hospital subalit nasawi rin habang nilalapatan ng lunas.
Nakuhanan naman ng closed-circuit television (CCTV) ang pamamaril kay Lansigan.
Sakay ang biktima ng kaniyang motorsiklo nang lapitan ng riding in tandem criminals at tinawag ito kaya napahinto ang biktima bago pagbabarilin ng mga suspek.
Ayon sa ilang saksi, naganap ang pamamaril alas-9:30 ng umaga na sa una ay inakala nilang may pumutok lang na gulong, pero putok na pala ng baril.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente. PAUL ROLDAN