Kumakalat sa social media at mga balita ang tungkol sa isang sakit na diumano ay lumalaganap ngayon hindi lamang dito sa atin kundi sa buong mundo. Bago tayo maniwala at mag-share ng mga impormasyon, siguruhin nating hindi fake news ang ating binabasa. Mas mainam na i-check ang page mismo ng Department of Health para siguradong tama ang ating nakikitang impormasyon.
Naglabas nito lamang Miyerkoles ang DOH ng press release na nagsasabing ang mala-trangkasong sakit na naitala nitong nakaraang Disyembre 2024 ay mas mababa ng 17% kumpara sa parehong panahon noong 2023. Binigyang diin ng DOH na ang panahon ng Amihan ay maaaring humantong talaga sa pagtaas ng mga respiratory illness.
Kaya naman ang lahat ay hinihikayat na magtakip ng bibig at ilong tuwing uubo o babahin; manatili sa bahay kung may sipon, ubo o lagnat; at ugaliin ang madalas na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig. Ang pagsusuot ng facemask ay voluntary; mainam na magsuot ang mga may sintomas at mga taong gustong makaiwas na mahawa ng sakit.
Ayon pa sa ahensya, iniulat din ng World Health Organization (WHO) noong Enero 7, 2025 ang pagtaas ng bilang ng karaniwang acute respiratory infections, na inaasahan naman umano sa panahon ng taglamig. Mahalagang impormasyon din ang ipinarating ng China sa WHO na “ang healthcare system ng China ay hindi nalulula at walang emergency declaration o response na nangyayari”. Kabaligtaran ito ng kumakalat na balita tungkol sa hMPV na kumakalat diumano sa China–kaya mag-ingat tayong lahat sa ating mga nababasa.
Ang Human Metapneumovirus (hMPV) ay hindi isang bagong sakit. Natuklasan ito noong 2001 ng mga Dutch na mananaliksik. Ika-6 ang hMPV sa mga natukoy na dahilan ng ILI (influenza-like illness) sa Pilipinas para sa taong 2024. Ang hMPV ay paminsan-minsang nakikita, na walang kakaibang clustering o pattern, sa buong taon.
Gayunpaman, pinaalalahanan ng DOH ang pangkalahatang publiko, lalo na ang mga kabataan, immunocompromised, at matatanda, na mag-ingat sa pamamagitan ng mga measures na nabanggit sa itaas. Umiwas tayo sa matataong lugar hanggat maaari, gumamit ng alcohol, mag-ehersisyo araw-araw, uminom ng maraming tubig, at kumain ng masustansiyang pagkain upang mapalakas ang ating resistensiya. Hinihimok din ng DOH ang mga nasa high risk o may mga komplikadong sintomas na magpakonsulta sa doktor sa lalong madaling panahon.