NITONG mga nakalipas na araw, kumalat ang resulta ng isang pag-aaral na isinagawa ng Remote, isang international recruitment at placement company.
Ayon sa ulat, ang Pilipinas ay pumangalawa sa pinakahuli pagdating sa work-life balance, sa listahan ng 60 bansa. Sa madaling salita, mas maraming oras umano ang ginugugol ng mga Pilipino sa pagtatrabaho kaysa sa pagtugon sa kanilang personal na interes tulad ng paglilibang, pagpapahinga, o oras kasama ang pamilya.
Ibinunyag din sa ulat na ang mga Pilipino ay mayroong 17 leave days lamang taon-taon, on average, kumpara sa 30 araw para sa mga manggagawa sa mga bansang nakakuha ng pinakamataas na puntos. Bukod dito, malaki rin ang epekto ng sahod. Ang minimum wage sa Pilipinas ay nasa $1.45 kada oras, ibig sabihin, kailangang magtrabaho nang mas matagal ang mga tao dito upang makakuha ng sapat na kita upang mabuhay. Alam natin na ang minimum wage ay hindi kasya upang matustusan ang lahat ng pangangailangan ng isang maliit na pamilya.
Ayon pa sa ulat, ang mga Pilipino ay nagtatrabaho sa loob ng 40.63 oras kada linggo, on average, kumpara sa 33 hanggang 36 na oras lamang para sa mga manggagawa sa mga bansang may mas mataas na puntos.
Ang United Arab Emirates at Qatar, kung saan maraming Pilipino ang nagtatrabaho, ay ang mga bansang may pinakamahabang oras ng trabaho ayong sa listahan. Dito ay karaniwan nang nagtatrabaho ng higit sa 50 oras kada linggo ang mga manggagawa.
Mahalaga sa kalusugan ang paglalaan ng oras para sa ibang bagay na labas sa trabaho. Ang sobrang pagtatrabaho ay maaaring magdulot ng stress at pagkabalisa, kakulangan sa tulog o sapat na pahinga, at maaaring maging sanhi ng mga sakit, sa pag-iisip man o sa pisikal na katawan.
(Itutuloy…)