KARTADA 19… HUWAG NANG HUMIRIT!

Magkape Muna Tayo Ulit

Part 2

TULAD ng tinalakay ko kahapon sa aking kolum, inihahambing ko ang sitwasyon ni Pangulong Duterte sa isyung laban sa Simbahang Katoliko. Ito ay nag-ugat sa sinabi niyang “Istupido ang ating Panginoon”. Simula nang siya ay mahalal at nanungkulan bilang pa­ngulo natin, umani siya ng napakagandang suporta at satisfaction rating sa sambayanan. Pinatunayan ito ng mga regular na surveys ng Social Weather Station at Pulse Asia.

Kung ating ikukumpara sa lahat ng mga naging pangulo natin pagkatapos ng People Power EDSA Revolution noong 1986, si Duterte lamang ang may magandang suporta sa mamamayan matapos ang dalawang taon ng panunungkulan. Ang mga dati nating pangulo ay nakaranas ng malaking pagbagsak ng polularidad at suporta sa atin dulot ng mga isyung bumabalot sa mga kapalpakan ng kani-kanilang administrasyon. Sinususugan ito ng mga oposisyon at mga militanteng grupo na ang nais lamang ay pabagsakin ang pamahalaan. Ito ay upang magkaroon sila ng oportunidad na makapalit sa posisyon. Haaaay…ang nagawa nga naman ng People Power. Kaya ngayon, kaunting kibit lamang na isyu, ang hamon agad ng mga militante o oposisyon ay mag-resign agad ang kasalukuyang namumuno sa pamahalaan.

Balik tayo sa isyu ni Duterte laban sa ilan sa ating mga Kristiyano. Marami ang hindi sumang-ayon kay Duterte nang sabihin niyang ‘istupido’ ang ating Diyos. Kahit sino na may pananampalataya sa Diyos ay talagang masasaktan sa sinabi ni Duterte. Tanggap ng mayorya ng mga Filipino ang personalidad at estilo ng ating pa­ngulo. Malakas magmura. Palabiro subali’t biglang magagalit. Bukas sa pagbabatikos at panghihiya sa mga grupo o tao kapag talagang hindi niya gusto ang ginagawa nila. Hindi nag-aatubiling manakot na papatay siya ng tao. Umamin sa mga kalokohan na nagawa niya noong kabataan niya.

Ang lahat ng ito ay hindi kaila sa sambayanan. Subalit tanggap pa rin nila si Duterte. Sabi ko, nga maganda na ang baraha ni Duterte sa suportang nakukuha niya sa samba­yanan. Kumbaga sa sugal na Black Jack, 19 ang bilang ng baraha niya. Ang pagbatikos sa ating Diyos na ‘istupido’ ay maitutu­ring na maling hirit ni Duterte. Huwag na siya humirit. Baka ma-basted pa siya at tuluyang bumagsak ang kanyang popularidad na maaaring magbigay oportunidad sa mga oposisyon at mga militante na batikusin siya.

Noong Huwebes, nabasa ko sa pahayagan na hihinto at tatahimik na si Duterte sa isyung ito. Haaaaaay… salamat naman. Ipinaliwanag ni Duterte na may malalim at mataimtim na paniniwala siya na may Diyos sa mundong ito. Pinagbatayan niya ang libro ng Ecclesiastes na ‘May panahon ang lahat. Kasama na rito ang panahon na magsalita’. Kaya sa nga­yon daw ay mananahimik na muna siya.

Sang-ayon po ako diyan Pangulong Duterte. Sana naman ay pagtuunan ninyo na lang ang mga mas mahahalagang suliranin ng ating bayan. Ipagpatuloy ninyo ang kampanya ninyo laban sa kriminalidad, ilegal na droga at korapsiyon. Tutukan ninyo sana ang inyong mga economic manager kung papaano nila mapabibilis ang paglago ng ating ekonomiya.

Huwag na kayong masyado mapikon sa mga bumabatikos sa inyo. Ang mayorya ng sambayanan ay umaasa sa inyo na magtagumpay sa inyong pamamahala. Kung matagumpay kayo, tagumpay ang buong ba­yan. Kung pumalpak kayo, talo rin kami. Maganda ang baraha ninyo, Mr. President, huwag na kayong humirit.

Comments are closed.