(Kasado na bukas) TOLL HIKE SA SCTEX

MAS mataas na singil sa toll ang sasalubong sa mga motorista na gumagamit ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) simula bukas, Nobyembre 19.

Ayon sa NLEX Corp., ang operator ng SCTEX, ito’y makaraang pahintulutan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang pagpapatupad ng second tranche ng inaprubahang toll adjustment para sa SCTEX noong 2021 at 2023.

Sinabi ng toll company na karagdagang P0.64 per kilometer (km) para sa Class 1 vehicles, P1.29 per km para sa Class 2, at P1.93 per km para sa Class 3 ang kokolektahin simula sa Martes.

“The additional rates, which followed strict compliance with regulatory procedures and underwent thorough review, were part of the approved periodic adjustments of SCTEX due in 2021 and 2023,” ayon sa kompanya.

“The increase was deferred and divided into three tranches that will be collected over three years to help curb the inflationary strains and ease impact on the users of the expressway,” dagdag pa nito.

Pinayagan ng TRB ang pagpapatupad ng first tranche ng inaprubahang toll adjustments noong Okt. 17, 2023.

Sa sandaling ipatupad, sinabi ng NLEX Corp. na ang mga motorista na gumagamit ng SCTEX na may Class 1 vehicles (cars/SUVs) at bumibiyahe mula Mabalacat City (Mabiga Interchange) hanggang Tarlac ay magbabayad ng karagdagang P25.

Ang mga gumagamit ng Class 2 vehicles (buses at small commercial trucks) sa parehong ruta ay magbabayad ng karagdagang P50 habang ang Class 3 vehicles (large trucks/trailers) ay may dagdag na P75.

Samantala, ang mga motorists na bumibiyahe sa pagitan ng Mabalacat City at Tipo, Hermosa, Bataan (malapit sa Subic Freeport) ay sisingilin ng karagdagang P41, P81, at P121 para sa Class 1, 2, at 3 vehicles, ayon sa pagkakasunod-sunod..

“In recent years, impactful projects have been undertaken to enhance the safety and convenience of all SCTEX users,” ayon sa NLEX Corp.

“From 2020 to 2023, the company undertook numerous infrastructure and enhancements projects as part of its commitment to improve motorists’ safety and convenience while traversing the expressway,” dagdag pa nito.
EVELYN GARCIA