MATAPOS ang ilang sunod na linggong pagtaas ay may rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.
Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Seaoil Philippines Corp. at Shell Pilipinas Corp. na bababa ang presyo ng kada litro ng gasolina ngP0.50, diesel ng P0.70, at kerosene ng P0.85.
Magpapatupad ang Petro Gazz ng kaparehong bawas-presyo maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang rolbak sa alas-6 ng umaga.
Naunang sinabi ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) na inaasahan ang bawas-presyo ngayong linggo dahil sa humuhupang tensiyon sa Middle East, sa potentsiyal na supply surplus ng krudo sa 2025, at sa inaasahang pagbagal ng oil demand growth sa darating na taon.
Noong nakaraang Martes, October 15, ang presyo ng gasolina ay tumaas ng P2.65 kada litro, diesel ng P2.70 kada litro at kerosene ng P2.60 kada litro.
Year-to-date, ang presyo ng gasolina at diesel ay tumaas na ng P9.05 kada litro at P6.75 kada litro, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, ang kerosene ay may year-to-date total net decrease na P2.75 kada litro.
Batay sa price monitoring ng DOE, sa Metro Manila, ang umiiral na retail prices ng gasolina ay naglalaro sa P50.20 hanggang P70.20 kada litro, diesel mula P46.40 hanggang P61.00 kada litro, at kerosene mula P67.29 hanggang P78.14 kada litro.
LIZA SORIANO