(Kasado na ngayong Martes) P0.85/L PRICE CUT SA DIESEL, P0.75/L SA GASOLINA

MAY rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Seaoil Philippines Corp. at Shell Pilipinas Corp. na bababa ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.75, diesel ng P0.85, at kerosene ng P0.80.

Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong bawas-presyo, maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang rolbak sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya, maliban sa Cleanfuel na mag-a- adjust ng presyo sa alas-12:01 ng umaga sa parehong araw.

Noong nakaraang Martes, July 23, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.10, habang bumaba ang sa diesel ng P0.40, at kerosene ng P0.70.

Year-to-date, ang total adjustments ay nagresulta sa net increases na P10.35 kada litro para sa gasolina, P7.75 kada litro sa diesel at P0.50 kada litro sa kerosene.