(Kasado na ngayong Martes) P1.75/L PRICE HIKE SA DIESEL, P1.40/L SA GASOLINA

ASAHAN ang mahigit P1 taas-presyo sa kada litro ng petrolyo simula ngayong Martes.

Ito na ang ikalawang sunod na linggo na may big-time price hike sa mga produktong petrolyo.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Seaoil Philippines Corp. at Shell Pilipinas Corp. na tataas ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P1.40, diesel ng P1.75, at  kerosene ng P1.05.

Magpapatupad ang Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong adjustments, maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang dagdag-presyo sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya, maliban sa Cleanfuel na mag-a-adjust ng presyo sa ala-4:01 ng hapon sa parehong araw.

Noong nakaraang Martes, June 18, ang presyo ng gasolina, diesel, at kerosene ay tumaas ng P0.85, P1.75, at P1.90 kada litro, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Hanggang Hunyo 18, 2024, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas na ng  P6.90, diesel ng  P6  at kerosene ng P0.35 ngayong taon.

LIZA SORIANO