KASADO NA NGAYONG MARTES P1.85/L PRICE CUT SA DIESEL; P1.60/L SA GASOLINA

MAY big-time rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.

Sa magkakahiwalay na abiso, sinabi ng Chevron Philippines Inc. (Caltex), Pilipinas Shell Petroleum Corp. at  Seaoil Philippines Corp. na bababa ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P1.60, diesel ng P1.85, at kerosene ng P1.40.

Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang bawas-presyo sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa  Caltex at Cleanfuel na kapwa magpapatupad ng rolbak sa alas-12:01 ng umaga sa parehong araw.

Noong nakaraang Martes, Disyembre 5, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng  P0.30 at kerosene ng P0.20.

Bumaba naman ang presyo ng diesel ng P0.30 kada litro.

Sa datos  ng DOE, hanggang Disyembre 5,  ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P12.60 kada litro, diesel ng P5.70 at  kerosene ng P1.94 kada litro.

LIZA SORIANO