(Kasado na ngayong Martes) P1.85/L ROLBAK SA DIESEL; P1.20/L SA GASOLINA

OIL PRICE HIKE-2

MAY malakihang bawas sa presyo ng mga produktong pertrolyo simula ngayong Martes.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp. na bababa ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P1.20, diesel ng P1.85, at kerosene ng P2.00.

Magpapatupad ang Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang bawas-presyo sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na magtatapyas ng presyo sa alas-12:01 ng umaga sa kaparehong araw.

Noong nakaraang Martes, Marso 14, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P1.00, habang ang diesel ay may tapyas na P0.10 at kerosene ng P0.60.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), ngayong taon, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P6.70 kada litro, habang ang presyo ng diesel at kerosene ay bumaba ng P1.00 at P1.65 kada litro, ayon sa pagkakasunod.