MAKAAASA ang mga domestic worker o kasambahay sa Central Luzon ng dagdag-sahod simula sa susunod na buwan makaraang aprubahan ng wage board ng rehiyon ang umento sa kanilang monthly minimum wage.
Sa isang news release nitong Huwebes, sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na inisyu ng Tripartite Wages and Productivity Board motu propio ng Region III ang Wage Order No. RBIII-DW-04 noong March 4, 2024.
Tinaasan ng wage order ang monthly minimum wage rate ng mga kasambahay ng P1,000 sa Chartered Cities at First Class Municipalities at P1,500 sa Other Municipalities.
Dahil dito, ang monthly minimum wage sa rehiyon ay magiging P6,000 na.
Ayon sa DOLE, ang wage hike ay inaasahang magbibigay benepisyo sa kabuuang 126,762 domestic workers kung saan tinatayang 9% o 11,595 sa mga ito ay nasa live-in arrangement.
Ang wage order ay isinumite sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) para rebyuhin at pinagtibay noong March 12, 2024.
Ang kautusan ng Central Luzon wage board ay ilalathala sa March 16, 2024 at magiging epektibo makalipas ang 15 araw mula sa publication nito o sa April 1, 2024.
“The increase considered the results of the survey conducted and public hearing held, as well as the needs of domestic workers and their families, the employer’s capacity to pay, and the existing socio-economic conditions in the region,” ayon sa DOLE.
“The Board, comprised of representatives from the government, management, and labor sectors, conducted the regional public hearing on February 25, 2024, in San Fernando City, Pampanga.”
Ayon sa DOLE, ang huling wage order para sa mga kasambahay sa rehiyon ay inilabas noong May 30, 2022 at naging epektibo noong June 20, 2022.
LIZA SORIANO