(Kasado na sa Mayo 11) WAGE HIKE SA KASAMBAHAY SA C. VISAYAS

INILABAS ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa Region VII (Central Visayas Region) motu proprio ang  Wage Order No. ROVII-DW-04 noong Abril 18, 2024, na nagtataas sa monthly minimum wage ng mga kasambahay ng P500 sa lahat ng lugar.

Ang monthly wage rate para sa chartered cities at  first-class municipalities sa rehiyon ay magiging P6,000 na, at P5,000 naman para sa ibang munisipalidad.

Ang wage order ay isinumite sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) para sa pagrepaso at pinagtibay noong Abril 22, 2024. Inilathala ang wage order noong Abril 25, 2024 at magiging epektibo makalipas ang 15 araw mula sa publication nito, o sa Mayo 11, 2024.

Kinonsidera sa wage hike ang resulta ng survey at public hearings na isinagawa, gayundin ang mga pangangailangan ng domestic workers at kanilang mga pamilya, ang kakayahan ng employer na magbayad, ang ang umiiral na socio-economic conditions sa rehiyon.

Ang Board na binubuo ng government, management, at  labor sector representatives ay nagsagawa ng public hearings noong Abril 7, 2024 sa Minglanilla, Cebu, at ng wage deliberation noong Abril 18, 2024.

Inaasahang  nasa 107,931 domestic workers, na tinatayang 14% (15,099) sa mga ito ay nasa live-in arrangements, ang makikinabang sa taas-sahod.

Magsasagawa ang RTWPB VII ng information campaigns upang matiyak na masusunod ang bagong wage order.

Ang mga  domestic worker sa rehiyon ay huling naumentuhan noong Hunyo 14, 2022.

LIZA SORIANO