CAMP AGUINALDO – DALAWANG araw bago ang pagsalubong sa Bagong Taon ay umaabot na sa 18 katao ang naaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) kabilang ang ilang pulis at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay PNP Spokesperson, Brig. Gen. Bernard Banac, umabot na sa 18 ang kanilang nadakip dahil sa pagpapaputok ng baril at kabilang sa mga nahuli ay mga tauhan pa ng PNP at AFP.
Sa nasabing bilang ay may dalawang sundalo at isang pulis ang nahuli sa paglabag sa indiscriminate o illegal discharge of firearms.
Sa datos, tig-iisang sibilyan ang kanilang naaresto sa Region 1, Region 2, Region 4A, Region 6, Region 8 at Region 9.
Habang dalawang sibilyan ang naaresto sa Region 5, dalawa rin sa Region 10 at tatlo naman sa National Capital Region (NCR).
Arestado rin dahil sa illegal discharge of firearms ang dalawang sundalo sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), isang pulis sa Caraga region at dalawang security guard sa Region 11.
Sa mga insidenteng ito aniya, dalawa ang naitalang sugatan sa NCR habang lima ang sugatan sa BARMM.
Dalawang stray bullet incidents naman ang nangyari sa Caraga region na tumama sa isang bahay at isa sa NCR, subalit walang naitalang sugatan o namatay sa insidente.
Nagpapatuloy naman ang pagbabantay ng PNP sa buong bansa para bigyang babala at arestuhin ang mga ilegal na magpapaputok ng kanilang baril o illegal discharge of firearms. REA SARMIENTO/VERLIN RUIZ
Comments are closed.