LEYTE- PATAY na nang matagpuan ang kasambahay matapos na magtamo ng 50 saksak sa iba’t ibang parte ng katawan sa Barangay Santa Cruz, Palo sa lalawigang ito.
Sa ulat ng pulisya, ang biktima ay kinalala lamang sa pangalang Dylen, 31-anyos, at residente ng Barangay San Antonio, Palo ng nabanggit na lunsod.
Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng tawag mula sa kapitbahay ng biktima na nagsasabing may natagpuang bangkay sa isang inuupahang apartment sa lugar.
Nabatid naman na dumating sa naturang lugar ang live-in partner ng biktima upang sunduin ito dakong alas-6:30 ng gabi, subalit inabutan nito na nakahandusay sa sahig ang duguang katawan ni Dylen at wala nang buhay.
Ayon naman sa ilang nakakakilala sa biktima, huli nilang nakita ito dakong ala- 1 ng hapon at natagpuan ang bangkay ito pagdating ng gabi.
Patuloy naman ang isinasagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad hinggil sa naganap na insidente kasabay ng pagkalap ng mga impormasyon na posibleng makatulong sa paglutas sa naturang kaso.
EVELYN GARCIA