NOONG 2011, isang resolusyon ang isinulong ng member states ng United Nations General Assembly na naglalayong bigyang-importansiya ang kasiyahan at kapakanan ng mamamayan dahil isang indikasyon ang mga ito sa kalagayang ekonomikal ng isang bansa.
Nanguna ang Kingdom of Bhutan sa mga nagsulong ng naturang resolusyon dahil sila ang naunang nakapag-isip ng concept na “Gross National Happiness”. Ito, anila, ang sumusukat sa pag-unlad ng isang bansa at sa galaw ng Gross Domestic Product (GDP) o ng Gross National Product (GNP).
Maging ang mga ekonomistang tulad nina Joseph Stiglitz, Amartya Sen at Jeffrey Sachs, ay nakiisa sa konseptong ito. At liban sa Kingdom of Bhutan, naging basehan na rin ng iba pang bansa tulad ng New Zealand, UK at ng UAE ang “happiness” metrics upang ma-monitor ang pamumuhay ng kani-kanilang mamamayan.
At sa loob ng ilang taon, naging instrumental na ang World Happiness Report sa pagdetermina kung ano ang estado ng ekonomiya at sa development policy thinking.
At nitong nakaraang Marso, sa bago nilang pag-aaral, lumalabas na sa may 146 bansa na sinaliksik ng World Gallup Poll, ang Pilipinas ay pang-60 mula sa dating puwesto nito na pang-72 lamang mula 2014 hanggang 2016. At nito ngang 2022, ang Pilipinas ay itinanghal na pang-anim sa mga bansang pinakamasasaya sa buong Asia Pacific region at pangalawa sa buong South East Asia kung saan nangunguna ang bansang Singapore.
At base pa rin sa World Gallup Poll ngayong taon, nasa ika-91 na puwesto ang Pilipinas sa mga bansang masasabing ang mamamayan ay hindi nakararamdaman ng totoong katahimikan. Maaaring ito ay dahil sa mga pinagdaraanang hirap sa buhay at suliraning pansarili tulad ng anxiety. At nang tanungin ang mga Pilipino kung mas makabubuti bang tayo ang dapat tumutok sa pangangalaga sa ating sarili o magpaalaga sa iba — mas marami ang nagsabi na dapat ay tayo mismo ang mangalaga sa ating sarili. Tayo ang nanguna sa ganyang kasagutan.
Kung iintindihin nating mabuti ang mga pag-aaral na ito, parang nakakaintriga. Dapat sigurong mapag-aralan ng mga academics, researches at ng public servants tulad ng inyong lingkod kung bakit ganito ang resulta ng istadistika. Marami siguro tayong dapat malaman sa mga ganitong aspeto. Mabuti rin kasi na malaman natin kung paano nga ba namumuhay ang ating mga kababayan at siguruhin din na lahat sila ay makatatamasa ng kasiyahan at nakikinabang sa mga programa ng gobyerno para sa kanila. Siguro, para sa susunod na administrasyon na opisyal na itatalaga ng katatapos na halalan, dapat ay matutukan niya ang mga bagay na ito para na rin sa kapakanan ng mamamayan at ng buong bansa.