LUMOBO na sa 155 ang bilang ng tinamaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa Parañaque City.
Base sa datos ng Parañaque City Health Office, nakapagtala kahapon ng may pinakamataas na bilang ng nagpositibo sa COVID-19 na umabot sa 29 na pasyente kumpara noong kamakalawa lamang na mayroong 126.
Tumaas na rin ang bilang ng mga namatay sa sakit na ito kung saan umabot na sa 14.
Sa patuloy na pagtaas ng mga tinatamaan ng COVID-19 ay mahigpit na ipinapatupad ni Mayor Edwin L. Olivarez ang implementasyon ng pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar upang maiwasang mahawahan sa mabilis na pagkapit ng nakamamatay na virus sa buong lungsod.
Ayon kay Olivarez, ang barangay na nagtala ng may pinakamaraming bilang ng kinapitan ng COVID-19 ay ang Barangay B.F. Homes na may 25 na kaso, Don Bosco na may 222, Marcelo Green na may 16, San Antonio na may 12 habang mayroon namang 11 ang Moonwalk.
Nakapagtala rin sa Barangay Tambo at San Isidro na parehong may tig-8 kaso, San Dionisio na may 7, Merville na may 6, San Martin de Porres at Baclaran na parehong may 5 kaso, Don Galo na may 4 at Sto. Nino na may 1 kaso ng COVID-19.
Sinabi ni Olivarez na mayroong 12 iba pang mga pasyenteng nagpositibo sa naturang virus ngunit hindi pa nila matiyak kung anong barangay ang nakasasakop sa mga ito.
Umakyat din ang bilang ng mga person under investigation (PUI) mula 324 na naging 368, samantala noong isang araw ay nasa 402 ang bilang ng mga person under monitoring (PUMs) na ngayon ay umabot na sa 424.
Muling nakiusap si Olivarez sa mga residente ng lungsod na sundin ang mga health guidelines ng lokal na pamahalaan na laging makikita sa opisyal na Facebook account ng lungsod kaugnay sa patuloy na pakikipaglaban ng siyudad sa COVID-19.
Maliban dito, dagdag pa ni Olivarez na patuloy rin ang pagsasagawa ng disinfection at sanitation sa buong lungsod upang mapigil ang pagkalat ng naturang virus. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.