KASO NG COVID-19 PATULOY ANG PAGTAAS; PAIGTINGIN ANG PAMIMIGAY NG 4TH DOSE

Joe_take

TILA ba wala nang katapusan ang ating pakikibaka laban sa COVID-19 dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga bagong kaso.

Sa bawat araw, kahit saan man ako lumingon, kapansin-pansin na ang ilang Pilipinong wala nang suot na face mask at tila ba kampante nang hindi na sila mahahawaan ng naturang sakit. Pati na ang mga menor de edad ay hinahayaan na lamang sa labas ng kanilang tahanan na walang suot na kahit ano mang proteksiyon.

Ayon sa Department of Health (DOH), nakapagtala ang ating bansa noong Linggo ng 848 na panibagong kaso na nagdala sa kabuuang bilang sa 6,761.

Ito na ang pinakamalaking pagtaas sa bilang simula noong Marso habang kasagsagan ng pangangampanya sa eleksiyon at pagluluwag sa quarantine restriction.

Sa kasalukuyan, umabot na sa 3.7 milyong kaso ang naitala sa buong Pilipinas.

Ayon sa OCTA Research, ang positivity rate sa ating bansa ay patuloy na tumataas. Sa katunayan, nalampasan na umano ang recommended benchmark sa National Capital Region at walo pang mga lugar matapos nagtala ang mga ito ng positivity rate na higit sa 5.9 porsiyento.

Sa kasamaang palad, ang pamimigay ng mga booster shot sa panahon ngayon ay patuloy pa ring naaantala at nagiging mabagal sapagkat ang ilang mga bayan ay naghihintay pa rin ng approval mula sa National Vaccination Operations Center (NVOC) kung mainam nga ba itong ibigay lalo na sa mga taong may co-morbidity.

Trilyong piso ang utang ng ating bansa para lamang puksain ang COVID-19 at nakapanghihinayang na isiping milyon-milyong bakuna ang hindi mapakikinabangan dahil lamang sa ating kawalan ng pagtutulungan.

Bilang mamamayan, gawin natin ang ating papel para sa ating kaligtasan at pagbangon ng bansa, sapagkat ang bawat taong maililigtas ng mga bakuna ay magiging malaking tulong sa pagbangon ng ating ekonomiya.

Batid natin na ang kalusugan ng ating mga mamamayan ay may malaking ambag sa ating ekonomiya. Dapat natin itong unahin.

Dagdag pa, kailangan ng pamahalaan na maging agresibo para sa mga booster shot lalo na para sa mga nakatatanda at mga indibidwal na may comorbidity.

Napakalaking tulong din ng education at information campaign para sa mga taong walang access sa impormasyon tulad ng mga residente sa mga liblib na lugar, gayong marami pa rin umano ang hindi pa tumatanggap ng kanilang single dose na bakuna.

Atin ding ipagpatuloy ang kooperasyon kasama ang pamahalaan, pribadong sektor, at ng mga indibidwal upang agresibong labanan ang vaccine hesitancy na dulot ng misinformation.

Hindi mawawala na parang bula ang sakit na COVID-19. Habang nabubuhay tayong kasama ito, patuloy ring maaapektuhan ang iba pang aspeto ng ating lipunan.

Bilang mga indibidwal, nasa atin ang kapangyarihan upang labanan ito. Gumawa tayo ng paraan para tayo ay makabangon, dahil karapatan din natin ang mamuhay nang normal at mas matiwasay, at walang pandemyang dapat ikatakot.