LUMAWAK na sa 11 rehiyon sa bansa ang may naitalang kaso ng nakamamatay na sakit na dengue na lampas sa itinuring na epidemic threshold.
Ito ang iniulat ni Health Secretary Francisco Duque III kabilang sa mga naturang rehiyon na may matataas na kaso ng sakit o lampas na itinakdang epidemic threshold ay ang Regions 4A (CALABARZON); 17 (MIMAROPA); 5 (Bicol); 6 (Western Visayas); 7 (Central Visayas); 8 (Eastern Visayas); 9 (Zamboanga Peninsula), 10 (Northern Mindanao); 12 (Davao Region) at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Nabatid na ang epidemic threshold ay ang kritikal na bilang o density ng susceptible hosts para maganap ang isang epidemiya upang makumpirma ang pagsasagawa ng kaukulang hakbang laban dito.
Matatandaang nitong Martes lamang ay nagdeklara na ang DOH ng national dengue epidemic sa bansa dahil sa patuloy na pagtaas ng mga taong tinatamaan ng dengue na umabot ng 146,062 kaso, simula Enero hanggang Hulyo 20 lamang.
Matapos naman ang isang linggo o hanggang Hulyo 27 ay umakyat pa at umabot na sa 167,607 ang naitalang dengue cases ng DOH.
Ayon kay Duque, mas mataas ito ng 96% o 85,011 kaso ng dengue noong 2018.
Sa kabila naman nito, sinabi ng kalihim na mas malala pa rin ang mga kaso ng sakit sa iba pang ASEAN countries gaya ng Lao People’s Democratic Republic, Vietnam, Thailand, Indonesia at Singapore, kung saan tumaas ng triple ang naitalang dengue cases ngayong taon.
Ayon sa World Health Organization (WHO), tuwing ikatlo hanggang ika-apat na taon ay tumataas ang dengue cases ngunit, hindi pa batid ang rason sa likod ng naturang phenomenon.
Anang kalihim, posibleng ang mabilis na urbanisasyon at climate change ang dahilan nito.
Tiniyak rin ng kalihim na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at mga local government units sa bansa upang makapagsagawa ng mga kaukulang pamamaraan para masugpo ang mga lamok na nagdadala ng sakit na dengue.
Muli rin namang pinaalalahanan ng DOH ang publiko na mag-ingat laban sa dengue lalo na at wala pang gamot at bakuna para labanan ito. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.