INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na tumataas ang bilang ng mga kaso ng leptospirosis na nakapagtala ng 878 kaso at 84 na nasawi hanggang Hunyo 15 dahil nagsimula ang mga pag-ulan na nagresulta sa pagbaha ngayong buwan.
Ang bilang ay kalahati lamang ng 1,769 na kaso na naitala para sa parehong panahon noong nakaraang taon ngunit naobserbahan na tumaas ang mga kaso nitong mga nakaraang linggo ng morbidity.
“Mula sa anim na kaso na naitala noong Mayo 5 hanggang 18, 60 kaso ang naitala noong Mayo 19 hanggang Hunyo 1, na sinundan ng 83 kaso na naobserbahan mula Hunyo 2 hanggang Hunyo 15,” ayon sa DOH.
At maaari pa ring tumaas ang bilang ng kaso nito sa mga naantalang ulat.
Lahat ng rehiyon ay nagkaroon ng pagtaas ng kaso ng leptospirosis sa nakaraang buwan maliban sa Zamboanga Peninsula at Northern Mindanao.
Ang Leptospirosis ay isang zoonotic disease na dulot ng leptospira bacterium na matatagpuan sa kontaminadong tubig o lupa.
Ang leptospira bacteria ay maaaring makapasok sa katawan sa pamamagitan ng mga sugat sa balat, o sa pamamagitan ng mata, ilong, at bibig.
Ang mga daga na nahawaan ng mga bacteria na ito ay maaaring makahawa sa mga tao sa pamamagitan ng kanilang ihi na humahalo sa tubig baha.
Pinapayuhan ng DOH ang publiko na iwasan ang paglalakad o paglalaro sa tubig baha.
Ang mga sintomas ng leptospirosis ay kinabibilangan ng lagnat, pagsusuka, pagduduwal, pananakit ng kalamnan, pananakit ng ulo, kakaibang pananakit sa mga kalamnan at mapupulang mga mata.
Ang mga malalang kaso ay maaaring magkaroon ng jaundice o paninilaw ng katawan, madilim na kulay ng ihi, matingkad na dumi, maamoy na ihi na inilalabas, at matinding pananakit ng ulo.
Tumatagal ng dalawa hanggang 30 araw bago magkasakit pagkatapos magkaroon ng impeksyon sa bacteria na nagdudulot ng leptospirosis.
Kung hindi maiiwasan ang paglalakad sa tubig baha, sinabi ng DOH na kailangang magsuot ng protective gear tulad ng bota. EVELYN GARCIA