(Kasunod ng Nueva Ecija Shooting incident) SEGURIDAD SA MGA TERMINAL BUS HIHIGPITAN

MAHIGPIT na seguridad ang ipatutupad ng Department of Transportation (DOTr) sa mga bus terminal upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng pasahero matapos ang naganap na pamamaril sa dalawang pasaherong sakay ng bus patungong Maynila mula sa Nueva Ecija.

Inirekomenda ni Transportation Secretary Jaime Bautista ang kautusan upang masigurong ligtas ang mga pasahero sa mga bus terminal na inaasahang daragsa sa darating na Christmas holiday transport rush.

Tiniyak ni Bautista sa publiko na paiigtingin ng DOTr ang mga hakbang sa seguridad upang matiyak na magiging ligtas ang mga commuter na magsisiuwi sa kanilang mga probinsiya.

Bahagi ng mga hakbang, ang Office for Transportation Security (OTS) ay regular na nagsasagawa ng mga pag-audit sa seguridad sa lahat ng mga kompanya ng bus na kinabibilangan ng mga naka-install na closed-circuit television camera (CCTV) sa loob ng mga terminal at maging sa mga bus upang subaybayan ang paggalaw ng mga pasahero.

Pinag-iisipan ng DOTr ang pangangailangan ng GPS at alarm o emergency connectivity ng mga bus sa mga terminal at mga opisina ng mga kumpanya nito para sa mabilis na pagtugon.

Paliwanag pa ng kalihim , maaaring kailanganin ang naturang panukala sa panahon ng pag-renew ng prangkisa ng mga kompanya ng bus.
PAULA ANTOLIN