HINIKAYAT ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III ang pamahalaan na maging tapat sa lahat ng kasunduang isinara kamakailan sa China.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Pimentel na nakikiisa siya sa panawagan na magpakita ng katapatan ang pamahalaang Filipinas sa pagsiguro ng mga bagong kasunduan sa higanteng bansa sa Asya matapos ang pagbisita ng Pangulong Rodrigo Duterte sa ikalawang Belt and Road forum sa Beijing.
Kabilang sa mga kasunduan ang pagtatayo ng drugs abuse treatment and rehabilitation centers, na popondohan ng pamahalaang Chinese; at panibagong ¥1-billion grant (P7.74 bilyon) sa Filipinas bilang bahagi ng pagkilos upang mapatatag ang relasyon ng dalawang bansa.
“We should have a regime of transparency lalo na kung may utang na taumbayan ang magbabayad. Dapat alam ng taong bayan, ano ba ‘yong pinasok, kahit grant pa ‘yan,” pahayag ni Pimentel sa DWIZ.
Iginiit pa ng senador na nasa mandato ng Konstitusyon ang katapatan ng pamahalaan at may karapatan ang bawat Filipino na mabatid ang mga nakapaloob na kayarian sa anumang kasunduan sa ibang bansa.
Samantala, ipinabatid ni Pimentel na nasiyahan siya sa ginawa ng Pangulo nang talakayin ni Duterte ang isyu ng West Philippine Sea kay Chinese President Xi Jinping.
Hihintayin aniya ang komprehensibong ulat ni Duterte sa bilateral meeting nito sa Chinese leader.
Comments are closed.