MULI na namang naging laman ng balita sa buong mundo ang US kasunod ng kontrobersiyal na eleksiyong ginanap doon noong nakaraang taon.
Sumugod ang mga taga-suporta ni President Donald Trump sa Capitol kamakailan, habang opisyal nang idinedeklara ang resulta ng eleksiyon na pumabor kay Joe Biden. Ayon sa opisyal na bilang na siyang pinagbatayan ng opisyal na deklarasyon, 306 ang bilang ng boto para kay Biden at 232 naman para kay Trump.
Maaalalang sa inisyal na resulta pa lamang sa ginanap na US Presidential elections noong nakaraang taon ay tinalo ni Joe Biden si Donald Trump. Ngunit tila hindi matanggap ni Trump ang pagkatalo kaya hiniling nito na muling bilangin ang mga boto. Ang muling pagbibilang ay nagsilbing kumpirmasyon ng malinaw na pagkatalo nito.
Hindi pangkaraniwan ang sistema ng botohan sa presidential election ng US. Hindi ito gaya ng ibang demokratikong bansa kung saan inihahalal ang pangulo base sa mayoridad na bilang ng kabuuang boto ng mga botante. Sa US, mayroong tinatawag na electoral vote kung saan ang bawat isang estado ay nakadepende sa boto ng mayoridad sa nasabing estado. Halimbawa, kung mas marami ang bumoto sa kandidato ng Democratic party sa estado ng New York, ang 29 electoral vote nito ay mapupunta sa nasabing kandidato.
Mula sa kabuuang bilang na 538 electoral vote na paghahatian ng dalawang kandidato, 270 na electoral vote ang kailangan upang manalo. Si Biden ay nakakuha ng 306 na boto at 232 naman ang kay Trump, kaya malinaw na si Biden na ang magiging bagong pangulo ng US simula sa ika-20 ng Enero, kung kailan nakatakda ang kanyang panunumpa.
Ayon sa ABC News, bunsod ng kaguluhang naganap sa Capitol kamakailan, marami sa mga mamamayan ng US ang naniniwalang hindi na dapat manatili sa posisyon si Trump sa nalalabing ilang araw ng termino nito. Kailangan ay panagutan nito ang kaguluhang naganap matapos niyang hikayatin ang kanyang mga taga-suporta na pumunta sa Capitol at lumaban. Tinatayang nasa humigit kumulang walong libo ang nagmartsa papuntang Capitol upang manggulo sa opisyal na pagdedeklara ng pagkapanalo ni Biden.
Sa pamamagitan ng isang survey na isinagawa ng Ipsos gamit ang Ipsos’ Knowledge Panel, sa pakikipagtulungan sa ABC News, naitala na nasa 56% ng mga Amerikano ang sumasang-ayon na tanggalin na si Trump sa posisyon sa kabila ng ilang araw na lamang ng nalalabing termino nito. 43% naman ang hindi sumasang-ayon ngunit naniniwalang mali ang ginawa ni Trump.
Nagtipon-tipon si Trump at ang mga taga-suporta nito. Sa mga larawang inilabas ng New York Times, may nakakabit na bandera kung saan nakalagay ang mga katagang ‘SAVE AMERICA MARCH’. Sa nasabing pagtitipon ay nagbigay ng ilang pananalita si Trump kung saan sinabi niya na kailangan nilang lumaban ng mas matindi. Hinimok ni Trump ang mga taga-suporta nito na mag-martsa papunta sa Capitol upang ipahayag ang pagtutol nito sa opisyal na pagdedeklara ng pagkapanalo ni Biden.
Ayon sa New York Times, ang mismong mga salitang binitawan ni Trump ay, “be there, be wild!”, “fight much harder”, at “show strength”. Paulit-ulit ding sinasabi ni Trump sa kanyang mga pahayag, dalawang buwan mula nang natalo sa eleksyon, na kaya nilang pigilan ang pagiging pangulo ni Biden at kasama ng pahayag na ito ay ang mga katagang “fight like hell”. Sa katunayan, bago ang naganap na bayolenteng rally, sinabi pa ni Trump sa kanyang mga taga-suporta na, “Because you’ll never take back our country with weakness. You have to show strength and you have to be strong.”
Hindi na tuloy kataka-takang naging bayolente ang nasabing rally. Hindi kinaya ng security team ng Capitol ang puwersa ng humigit kumulang walong libong Trump supporter. Umabot pa sa puntong puwersahang pinasok ng mga ito ang Capitol sa pamamagitan ng pagbabasag ng salamin ng mga bintana upang makapasok. Ginamitan din ng pepper spray ang ilang pulis na sumubok na pumigil sa mga bayolenteng raliyista. Ang iba ay kumuha pa ng mga fire extinguisher sa Capitol at ini-spray ito sa mga pulis at mga media.
Sa mga ganitong panahon ay mas magpapasalamat ka na lamang talaga na bagaman hati rin ang Filipinas pagdating sa usapang politika, ay hindi naman tayo umaabot sa ganitong antas ng karahasan. Dito sa ating bansa, kinikilala pa rin ang batas at mga awtoridad. Nananaig pa rin ang pagiging sibil sa isa’t isa.
Hindi rin lingid sa kaalaman ng lahat na si Trump ay aktibo sa Twitter. Maging ang nasabing social media account ay hindi nakaligtas dahil ginamit din ito ni Trump sa pagpapadala ng mensahe sa kanyang mga supporter. Kasama sa mga mensaheng ito ay ang pagpapahayag na hindi ito magpapakita ng suporta kay Biden sa pamamagitan ng hindi pagdalo sa inagurasyon nito. Gamit din ang Twitter ay hinimok ni Trump ang kanyang mga taga-suporta na patuloy na lumaban. Pinatawan naman ng Twitter ng karampatang aksyon ang nasabing account ni Trump. Ito ay permanenta nang tinanggal dahil sa paglabag sa mga polisiya nito patungkol sa pagtataguyod ng karahasan.
Ang mga pangyayaring ito ay ilan lamang sa mga patunay na hindi na talaga karapat-dapat umupo bilang pangulo si Trump. Walang masama na ipaglaban ang karapatan o kung may nakikitang katiwalian, ngunit sa oras na mismong ang pinakamataas na pinuno ng bansa, gaya ni Trump, ang humimok sa mga taga-suporta nito na gumamit ng karahasan, nararapat lamang na managot ito sa batas sampu ng mga kasamahan nito. Ang pagsasagawa ng mga rally ay karapatan ng bawat mamamayan ngunit ito ay dapat panatilihing payapa.
Panahon na upang muling makabangon ang Amerika sa kahihiyang kinasadlakan nito dahil kay Trump. Sino ang mag-aakalang sa ilang araw na natitira sa termino nito ay makakagawa pa ito ng matinding kaguluhan. Bulag na lumaban ang mga tao para kay Trump. Umasa ang mga ito na kaisa nila ang kanilang kinikilalang pangulo. Sa katunayan, nagpahayag ng pagkadismaya ang ilan sa mga taga-suporta ni Trump nang mapagtanto nila na hindi ito sumama sa pag-mamartsa sa Capitol, taliwas sa sinabi nito sa kanyang mga talumpati.
Kung mismong ang mga taga-suporta nga ni Trump ay nagawa niyang iwan sa ere, paano pa ang mga hindi sumusuporta rito? Ang isang matino at mahusay na lider ay laging isinasaalang-alang ang kapakanan ng kanyang mga pinamumunuan, binoto man siya ng mga ito o hindi. Ang matinong pinuno ay hindi kailan man hihimukin ang mga mamamayan na gumamit ng karahasan lalo na kung ito ay gagamitin mismo laban sa bansang kanyang pinaglilingkuran. Sa ganitong uri ng mga insidente nakikita ang tunay na kulay ng isang tao. Sa kasamaang palad, masyadong nagpadala si Trump sa kanyang desperasyon. Isa lamang ang ipinakita ng pangyayaring ito: Malinaw na hindi talaga kuwalipikadong mamuno si Trump.
Comments are closed.