Nilagdaan ng Department of Education (DepEd) at Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang isang Memorandum of Agreement para magbibigay ng libreng legal aid sa mga guro at tauhan ng DepEd sa buong bansa.
Sinaksihan ng mga kinatawan ng DepEd Teachers Union (DTU), Alliance of Concerned Teachers (ACT), at Teachers’ Dignity Coalition (TDC) ang ceremonial signing.
Ang partnership sa IBP ay magbibigay ng access sa mga public school teachers at school-based non-teaching personnel ng legal na payo at tulong sa mga hindi pagkakaunawaan at iba pang legal na alalahanin.
“Ikinagagalak naming tandaan na itong legal assistance memorandum na pinipirmahan namin sa IBP, hindi lamang makikinabang sa aming mga guro kundi pati na rin sa aming mga school-based non-teaching personnel.
Kabilang dito ang mga administrative officer, accountant, clerk, at bookkeepers sa buong Pilipinas, so that will benefit not only the 800,000 plus but the 100,000 plus non-teaching personnel,” ani Angara.
Idinagdag pa ni Angara na ang pakikipagtulungan sa IBP ay tanda ng isa pang milestone sa pagsisikap ng DepEd na suportahan ang kapakanan ng mga guro, isa sa mga direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr sa ahensya.
“Hindi hanggang puri lang ang binibigay natin sa ating mga guro, kundi tunay na serbisyo, tunay na serbisyo publiko, at pag-appreciate sa kanilang binibigay sa ating mga mahal sa buhay,” dagdag ni Angara.
Napansin din ni Angara ang isang personal na koneksyon, na ibinahagi na ang kanyang ama, si dating Senate President Edgardo Angara, ay nagsilbi bilang IBP President noong 1979.
Sinabi ni IBP President Atty. Antonio C. Pido, Executive Vice President at gobernador para sa Kanlurang Mindanao, na malugod na tinanggap ni Allan G. Panolong, at iba pang matataas na opisyal ng IBP ang inisyatiba, na anila ay naaayon sa pangako ng IBP sa serbisyo sa komunidad at pagsuporta sa Filipino educators.
“Ngayon po sa termino ni Secretary Angara, malaki po ang pag-asa ng mga guro na hindi na magiging hand-to-mouth existence ang compensation ng mga public school teachers,” pagtatapos ni Atty. Pido.
Elma Morales