CAMP CRAME- PINATUTUGIS ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa ang nagpakalat ng fake news na may nagaganap nang looting sa isang mall sa Makati City sa kasagsagan ng pag-iral ng Luzon-wide Enhanced Community Quarantine bunsod ng pagtaas ng bilang ng kaso ng coronavirus disease (COVID 19).
Ayon kay PNP Spokesman BGen. Bernard Banac, inatasan na ni Gamboa ang PNP Anti-Cyber Crime Group gayundin ang Criminal Investigation and Detection Group para tugisin ang nagbabalita ng mali sa social media.
Batay sa malisyosong kuwento, ilang grocery stores ang nilolooban sa kasagsagan ng ECQ.
Giit ni Banac, walang katotohanan ang nagaganap na looting.
“Maghintay kayo at pupuntahan kayo ng pulis at aarestuhin kayo,” babala ni Gamboa sa mga gumawa ng fake news.
CRIME RATE BUMABA NG 80%
Samantala, sinabi ni Banac na maayos na natutupad ng pulisya at maging ng militar ang safety protocols sa mga checkpoint sa Metro Manila gayundin sa mga lalawigang sakop ng Luzon.
Aniya, ang magandang resulta ng ECQ ay pagbaba ng krimen kung saan batay sa datos ng National Capital Region Police Office ay bumaba ng 80 percent.
Comments are closed.