KAUNLARAN HATID NG 2019

Erick Balane Finance Insider

MATAPOS ang mapangha­mong 2018, nakikita naman ng mga economic ma­nager ni Pangulong Rodrigo Duterte ang magandang hinaharap ng ekonomiya ng bansa ngayong 2019, na sa tingin nila’y magdudulot ng kaunlaran para maiahon sa kahirapan ang maraming Filipino.

Nabuo ang concensus na ito ng mga economic manager ng Duterte government, kasama ang mga business leader, sa kanilang pagpupulong kamakailan sa tinawag na Philippine Conference na inor­ganisa ng independent think tank na Stratbase ADR Institute sa isang eksklusibong lugar sa Makati City.

Ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Deputy Governor Diwa Guinigundo,  magiging maganda ang takbo ng ekonomiya ng bansa ngayong taon.

“Reforms have helped propel the economy to an impressive streak of 79 consecutive quarters of an interrupted growth. That means, 19 years and three quarters since the first quarter of 1999. Moreover, the structural reforms have been translated into higher potential output for the economy,” wika ni Guinigundo.

Sa kanyang panig, sinabi ni Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) Chairman George Barcelon na tiyak ang paglago ng ekonomiya ng bansa ngayong 2019 at lalo pa itong sisigla kung maraming repormang magaganap, lalo na sa uplifting ng Small and Medium Enterprises (SMEs).

“Ease of doing business, power facilities can help SMEs to propel the growth of countries. The government should focus on both education and skills training, which is crucial for economic growth and what causes us for being uncompetitive,” paliwanag ni Chairman Barcelon.

Tungkol sa Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR), nagpahiwatig si Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III na gusto ni Pangulong Duterte na magsagawa ng panibagong total revamp sa dalawang nabanggit na ahensiya para tuluyang linisin sa katiwalian.

Sa BOC, aniya, ay halos matatapos na ang isinasagawang revamp at pagpapatupad ng mga reporma, subalit mala­king suliranin ang patuloy na korupsiyon sa BIR na dapat wakasan, lalo pa at bumabagsak ang tax collections nito na dapat maagapan.

Sa direktiba ni Secretary Dominguez, agad binalasa ang BIR kung saan itinalaga bilang mga bagong revenue regional director sina Marina De Guzman (Manila), Romulo Aguila, Jr. (Quezon City), Jethro Sabariaga (LaQueMar), Edgar Tolentino (San Fernando, Pampanga), Antonio Javenola (Eastern Visayas Region), Ma. Grace Javier (Cordillera Autonomous Region), Thelma Milabao (Clasiao), Claverina Nacar (Tuguegarao City) at Esmeralda Tabule (Davao City) sa layuning mapataas ang tax collections.

May mga inaasahan pang revenue travel assignment orders na ila­labas ang DOF sa mga susunod na araw upang mapalakas ang sistema ng pangongolekta ng buwis.

Si dating BIR Se­nior Deputy Commissioner Nestor Valeroso ay personal choice ni Secretary Dominguez na inirekomenda sa Chief Executive bilang kahalili ni BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay na matagal na umanong humihiling kay Presidente Duterte na iwanan ang BIR para makapagpa­hinga dahil sa kanyang  edad at kalusugan.

Si DepCom Valeroso ay isa sa mga na­ging adviser ni Pangulong Duterte hinggil sa mga usapin sa taxation noong kasagsagan ng presidential debates. Maraming repormang ipinatupad sa BIR si DepCom Valeroso na nagsimulang maglingkod bilang ordinaryong empleyado, naging revenue district officer, regional director, assistant commissioner hanggang magretiro bilang deputy commissioner.

Alam ni Secretary Dominguez na kayang makabangon ng BIR para makuha ang inaasam na tax collections goal nito dahil sa mga tax strategy ni Valeroso, dahilan kung bakit nakukuha ng BIR ang iniaatang na tax goal noong siya ay nasa kawanihan pa.



Para sa komento o opinyon, mag-text lamang po sa  09293652344/ 09266481092 o mag-email sa [email protected].

Comments are closed.