KUMPIYANSA ang Board of Investments (BOI) na makakamit nito ang target na P1.6 trillion investment approvals para sa taon, sa likod ng inaasahang pagdagsa ng foreign investments sa renewable energy at infrastructure sectors ng bansa.
“We’re confident that we will reach the P1.6-trillion [target],” pahayag ni Trade Undersecretary and BOI managing head Ceferino Rodolfo sa sidelines ng 2024 Investment Policy Forum na inorganisa ng International Institute for Sustainable Development sa Pasay City noong Miyerkoles.
Mula January hanggang September 15, 2024, inaprubahan ng BOI ang P1.35 trillion na halaga ng investment pledges, na tumaas ng 82% increase mula P741.98 billion approvals sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ang pinakamalaking share ng approvals ay nagmula sa energy sector, na bumubuo sa P1.29 trillion, sumunod ang real estate activities kabilang ang mass housing na may P20.28 billion, manufacturing na may P12.13 billion, at agriculture, forestry, and fishing na may P10.05 billion.
Para sa nalalabing bahagi ng taon, sinabi ni Rodolfo na, “There are renewable energy and infrastructure [projects] coming in.”
Ayon sa BOI head, ang renewable energy projects pa lamang na humihingi ng green lane endorsement ay maaaring makatulong sa investment promotion agency na makamit ang goal nito para sa taon.
Hanggang Setyembre ngayong taon, may P4.13 trillion na halaga ng investments ang nakakuha ng green lane certifications, mahigit isang taon magmula nang ilabas ang isang executive order na lumilikha sa green lanes upang pabilisin ang pagproseso ng strategic investments.
Kabuuang P3.74 trillion na halaga ng mga proyekto sa green lane pipeline ang nasa renewable energy sector.
Noong February 2023 ay ipinalabas ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang EO 18, na nagmamandato sa paglikha ng green lanes bilang bahagi ng pagsisikap na mapadali ang pagnenegosyo sa bansa at maisulong ang strategic investments.