VALENZUELA CITY – PATAY ang isang 38-anyos na kelot nang makoryente sa isang carwash kahapon ng umaga sa lungsod na ito.
Nagkikisay at nalagutan ng hininga bago makarating sa Valenzuela Medical Center ang biktimang si Alexander Bautista, ng 3109 Servando St., Mapulang Lupa, ng lungsod dahil sa malalang pagkasunog ng katawan.
Ayon sa pulisya, naganap ang insidente alas-8 ng umaga habang nililinis ni Bautista ang isang pampasaherong jeep na pag-aari ng kanyang kapitbahay sa carwash na itinayo ng biktima sa tapat ng kanyang bahay.
Sinabi ng saksing si John Ray Gargaritano, na nag-aalmusal siya sa loob ng kanyang bahay nang makarinig ng malakas na sigaw at paglabas niya ng bahay ay nakitang nakabulagta na ang biktima sa tabi ng nakaparadang jeep.
Dagdag pa ng saksi, nang itulak niya ang bakal na pinto para tulungan ang biktima ay nakoryente rin umano siya kaya’t pinatay niya muna ang circuit breaker bago humingi ng tulong sa barangay rescue team na nagsugod sa biktima sa nasabing ospital kung saan siya idineklarang dead on arrival. EVE GARCIA
Comments are closed.