APAT na seksyon ng national road ang hindi madaanan simula alas 6:00 ng umaga ngayong Miyerkoles, Setyembre 18 dahil sa pinagsamang epekto ng Bagyong Ferdie, Tropical Depression Gener at Habagat.
Ayon sa ulat ng Bureau of Maintenance (BOM) kay Public Works and Highways Secretary Manuel M. Bonoan, sarado ang bahagi ng Kennon Road sa K0223+020, Sitio Camp 2, Barangay Twin Peaks sa Tuba, Benguet dahil sa pagguho ng lupa.
Sarado rin ang Banaue-Hungduan-Benguet Boundary Road sa Ap-Apid, Tinoc, Ifugao dahil sa pagbagsak ng lupa.
Sa Isabela, hindi madaanan ang Cabagan-Sta. Maria Overflow Bridge na nag-uugnay sa Casibarag Norte, Cabagan, at Mozzozin, Sta. Maria para sa lahat ng uri ng sasakyan dahil sa mataas na antas ng tubig.
Tatlong seksyon ng Iloilo-Antique Road sa Barangay Igbucagay at Maalan, Hamtic sa Antique ay sarado rin dahil sa pagguho ng slope protection, pagguho ng kalsada at paglubog ng daan o pavement depression.
Ayon pa sa ulat ng BOM, limitado ang pagdaan sa Mt. Province Boundary-Calanan-Pinukpuk-Abbut Road sa Maswa, Basao, Tinglayan, Kalinga at kasalukuyang passable lamang ito sa magagaan na sasakyan dahil sa paglubog o pagbagsak ng kalsada.
Naglagay ng mga babala ang DPWH Disaster and Incident Management Teams ng mga apektadong Regional at District Engineering Offices sa mga apektadong bahagi ng kalsada.
RUBEN FUENTES