(ni CT SARIGUMBA)
PAANO nga ba natin masisiguro ang kaligtasan ng ating mga anak o ng mga bata ngayong holiday?
Sa tuwing sasapit nga naman ang holiday, kasabay nito ang maraming sakit ng ulo’t problema. Una na riyan ay ang matinding traffic na walang pin-ipiling oras. Sabihin mang maaga kang umalis o sobrang late na, tila nagiging paradahan ang bawat kalye sa Metro Manila, hindi umuusad. Mas mabagal pa ang pag-usad sa pagong.
Bukod sa matinding traffic, nariyan din ang siksikan sa mall at mga taong may masasamang motibo. Kaya naman, saan man tayo naroon—sa bahay man, mall o pasyalan, maging maingat tayo. Narito ang ilan sa kids safety tips na dapat nating isaalang-alang ngayong holiday:
SA LOOB NG TAHANAN
Kapag mayroon nga naman tayong tsikiting, mas natutuwa at ginaganahan tayong magpaganda ng tahanan. Hindi nga naman maitatangging mas nai-enjoy ng mga bata ang makukulay na Christmas tree, nagkikislapang parol at iba’t ibang klase ng regalo kapag sumasapit ang holiday.
At sa pagdedekorasyon o pagpapaganda ng tahanan, siguraduhing ligtas o safe ang mga gagamitin. Bumili lang ng pandekorasyon sa mga mapagka-katiwalaang store.
Maging maingat din sa gagawing pag-aayos ng tahanan nang maiwasan ang kahit na anong problema.
Siguraduhin ding nailalagay ang lahat ng gamit sa tamang lalagyan nang maiwasan ang aksidente lalo na’t napakalilikot ng mga bata.
KAPAG MAGTUTUNGO SA MALL O PASYALAN
Hindi rin siyempre mawawala sa hilig nating mga Pinoy ang pagtungo sa mga mall o pasyalan. Isa rin ito sa kinahihiligan at inaabangan ng mga ba-ta.
Sa pagtungo sa mall o saan mang lugar at kasama ang mga bata, maging maingat tayo. Maging mapagmatiyag sa paligid. Huwag ihihiwalay ang pan-ingin sa mga bata. Hangga’t maaari ay huwag silang bibitawan sa pagkakahawak nang hindi malingat.
Sa ganitong mga panahon ay dumarami ang masasamang loob kaya’t mainam na ang mag-ingat.
Makatutulong din ang pagpapasuot sa mga bata ng mga kulay na madaling makita.
Kausapin din ang mga bata at sabihan silang huwag makikipag-usap at sasama sa kahit na kanino bukod sa miyembro ng inyong pamilya.
Higit sa lahat, magplano bago ang pagtungo sa mall o pasyalan. Pag-usapan din kung saan magkikita sakaling magkaroon ng emergency o hindi inaasahang pangyayari sa pupuntahang lugar.
SA PAGBILI NG REGALO
Walang kasing sarap ang mamili ng regalo, lalong-lalo na sa mga bata. Dahil nga gustong-gusto nating pasayahin ang ating mga anak, kapatid o pa-mangkin, ibinibili natin sila ng mga laruang gustong-gusto nila.
Laruan nga naman ang isa sa pinakaaabangan ng mga bata. Gustong-gusto nilang makatanggap ng iba’t ibang klase ng laruan.
Sa pagpili ng laruan, hindi lamang ganda ang kailangan nating isaalang-alang. Isipin din ang kapakinabangan nito at higit sa lahat, ang kaligtasan ng bibilhing laruan.
Maraming laruan ang puwede nating pagpilian. Gayunpaman, hindi lahat ng mga ito ay masasabi nating safe. Sa pagbili rin ng regalo, isaalang-alang ang klase ng laruan at edad ng pagbibigyan.
Halimbawa na lang ay maliliit pa lamang ang mga batang pagbibigyan, iwasan ang pagbibigay sa mga ito ng komplikadong laruan, gayundin ang mga klase ng laruan na may maliliit na parts.
Kilatisin din muna ang laruang bibilhin nang masigurong maayos ito.
Marami tayong gustong gawin ngayong holiday. Pero huwag na huwag nating kaliligtaan ang kaligtasan ng mga bata, saan man sila naroon. (photos mula sa safety.more4kids.info, liveinsurancenews.com, blog.mass.gov)
Comments are closed.