KIEFER BANNED DIN SA PBA

Kiefer Ravena

SUSUNDIN ng PBA Board of Governors ang desisyon ng FIBA na suspendihin si  NLEX rookie Kiefer Ravena sa loob ng 18 buwan makaraang magpositibo sa tatlong ipinagbabawal na substance sa FIBA World Cup Qualifiers.

Ayon kay PBA Chairman Ricky Vargas, ang desisyon ay makaraang sagutin ng FIBA  ang clarification letter ng  Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), na nagbibigay-diin na sakop din ng ban ang professional stint ni Ravena sa the Road Warriors.

“The board did take the decision of FIBA as very serious because it has affected one of the PBA’s star players and FIBA is not allowing Kiefer to play,” pahayag ni Vargas matapos ang isang two-hour special board meeting sa PBA Office.

“But it also recognized that we are a member of the SBP. And as a member of the SBP, we respect the rules that the SBP would promulgate and that is in consonance with the FIBA ruling on suspension.”

Ang suspensiyon ni Ravena ay nagsimula noong Pebrero Feb. 25, nang sumalang siya sa random test matapos ang panalo ng Gilas Pilipinas laban sa Japan sa World Cup Qualifiers sa Mall of Asia Arena. Tatagal ang ban hanggang  Agosto 24, 2019.

Sa panahon ng suspensiyon, si Ravena ay hindi maaaring maglaro sa lahat ng basketball-related activities, kabilang ang NLEX practices.

Sinabi ni SBP President Al Panlilio, na kumakatawan din sa Meralco, na maaaring lumahok si Ravena sa anti-doping campaigns.

Ang suspensiyon ni Ravena ay dumating kasabay ng hakbang ng liga na simulan ang proseso ng pagpapatupad ng anti-doping policies alinsunod sa World Anti-Doping Agency.

Sa katunayan ay pinulong na ni PBA Commissioner Willie Marcial ang mga team representative upang talakayin ang medical protocols na kinabibilangan ng anti-doping protocols ng FIBA.

“The PBA will look at its own policies on drugs and we will review these policies and possibly improve these policies together while looking into the best practices of the other leagues,” ani Vargas.

“We will work with the SBP and work with FIBA in terms of how these policies of the league will be appreciated,” dagdag pa niya.

Comments are closed.