INANUNSIYO ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na napagdesisyonan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-IED) na kilalanin bilang makabagong bayani ang mga frontliner ngayong araw ng Kagitingan, Abril 9.
Sa mungkahi rin ni Nograles, bilang pagkilala sa pagbubuwis-buhay ng mga frontliner ngayong kasagsagan ng enhanced community quarantine (ECQ) bilang pagpigil sa pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19), nararapat lamang na bigyang pugay ang mga ito.
Aniya, habang nasa tahanan ang mamamayang Filipino, patuloy ang pagsagip sa buhay ng mga health worker, habang ang mga pulis at sundalo ay nasa checkpoints para sawatain ang mamamayan na huwag munang lumabas upang hindi mabiktima ng coronavirus.
Malaki rin ang ginagampanan ng mga local government unit, mga barangay official, at iba pang essentials gaya ng food and agricultural product cargo drivers, mga nagtatrabaho sa food manufacturing, pharmaceuticals, mga nagtatrabaho sa groceries at maging ang media.
Sa record, nasa 252 health workers ang nahawa sa COVID-19 at 152 roon ay mga nurse at 63 ay doktor.
Labindalawang doktor naman ang nasawi dahil sa nasabing sakit.
Kaya naman upang itaas ang moral ng frontliners, hinikayat ni Nograles na tuwing alas-5 ng hapon, araw-araw, ay sumilip sa bintana, pumalakpak, umawit at magsayaw para sa mga frontliner.
Maaari ring gumamit na modernong alay gamit ang social media gaya ng pag-upload ng video kung saan puwedeng umawit, kumanta, sumayaw, tumula at pumalakpak.
Maging ang TikToking aniya ay makatutulong para lamang mapasaya ang mga frontliner. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.