NANGANGAMBA si Andi Eigenmann na matatagalan pa bago makabalik sa dati ang Siargao dahil sa labis na pinsala na tinamo sa super typhoon Odette kaya nagpasiya siya at ang kanyang fiancé na si Philmar Alipayo na i-donate ang kikitain ng mga susunod niyang vlog sa nasabing isla.
Noong Sunday, December 19, ang tinaguriang Happy Island mom ay nag-post ng isang bagong vlog about Ellie Eigenmann’s birthday celebration. Bago niya sinimulan ang vlog, nag-post siya ng maikling mensahe, about their island home na sinalanta nga ng bagyong si Odette. Marami ang humanga at pumuri sa kanya dahil handa niyang i-share ang kanyang YouTube earnings para muling ibangon ang Siargao.
“The island is completely devastated and it would take time before Siargao recovers. All the help would be very much appreciated. And thank you to everyone who have been working tirelessly to organize sending in relief goods, supplies, medical help and to all those who have donated,” panawagan pa ni Andi.
Nanawagan din ang aktres na si Nadine Lustre sa mga may kakayahan na tumulong sa mga biktima ng super typhoon Odette. May nabiling property si Nadine sa Siargao kaya kapamilya na rin ang turing niya sa mga tagaroon.
“I’ve been frantic all day. My cortisol (stress hormones) level hasn’t been this high in ages. “I can’t even think straight. Please, let’s all help everyone affected by Typhoon Odette,” ang mensahe ni Nadine na ipinost niya sa Twitter.
Mukhang effective naman ang ginawang panawagan panawagan ni Nadine dahil patuloy ang isinasagawang mga relief drive sa isla pati na ang mga donation channels sa pamamagitan ng social media.
JENNYLYN-DENNIS, IPINASILIP ANG KANILANG MOUNTAIN HIDEAWAY
NAKATUTOK ang mag-asawang Dennis Trillo at Jennylyn Mercado para sa pagdating ng kanilang anak. Ipinasilip na rin nila ang ipinapatayo nilang bahay na tinawag nilang “mountain hideaway.”
Ayon kay Dennis, halos 70 porsyento na ang natapos sa dalawang palapag na bahay na may 1,000 metrong lote.
“Pupunta tayo sa bundok para silipin ang aming mountain hideaway,” ani Dennis. “Seven months ago, nagsimula ang construction ng aming bahay para sa aming lumalaking pamilya, and now, samahan n’yo kaming bisitahin ang aming future home,”
The home’s first floor features the living, kitchen and dining areas, and a guest room, samantalang ang second floor ay para sa nursery ng padating na baby, may view deck, at kwarto para sa kanilang mga anak na sina Jazz (anak ni Jennylyn kay Patrick Garcia) at Calix (anak ni Dennis sa beauty queen na si Carlene Aguilar).
“Naisip namin na magiging beneficial para sa aming lahat na dito mag-stay dahil dito sa bundok, presko ang hangin at presko ang pagkain. Ito ‘yung perfect na location para magpatayo ng bagong bahay para sa aming lumalaking pamilya,” paliwanag ni Dennis.
Kasama nilang bumisita sa kanilang pinapatayong bahay ang nanay at tatay ni Dennis.
KRIS AQUINO-ANGEL LOCSIN, NAGSANIB-PUWERSA
NASA puso talaga nina Angel Locsin at Kris Aquino ang pagmamahal sa kapwa tao at pagtulong sa mga nangangailangan. Kahanga-hanga ang pagsasanib-puwersa ng dalawa kaugnay ng pananalanta ng bagyong si Odette.
Ayon kay Kris, ‘tandem’ sila ni Angel Locsin sa pagtulong ngayon sa mga nasalanta ng bagyong Odette. At kahit may iniindang karamdaman ngayon si Kris, hindi pa rin siya nakatiis na hindi tumulong.
Mas pumayat pa si Kris kaya hindi pa sila makabalik ng Maynila kasama ang fiancé niyang si dating Interior Secretary Mel Senen Sarmiento. Nagbabakasyon sila ngayon sa Boracay, ngunit hindi ito hadlang para makapaghatid siya ng tulong. Paliwanag ni Kris, kung may nag-iisip mang parang deadma lang siya sa sinapit ng mga kababayan natin sa Visayas at Mindanao, maling-mali sila. Ka-text umano niya si Vice President Leni Robredo. Kapuri-puri umano ang ginagawa ni Leni at ni Senator Manny Pacquiao, na kahit magkalaban sa posisyong presidente sa 2022 elections ay nagkakaisa sa pagtulong sa mga naapektuhan ng bagyong Odette.
Ani Kris, “It was my desire to keep our pre-Christmas break very private. Mel & I left Dec. 9 with every intention of being back Dec. 17 ang tagal pinagplanuhan kung saan pupunta. Walang available in Bataan or Zambales. We could be accommodated in Boracay, pero problema namin ‘yung air travel because of my compromised immunity. Sadly, my weight had dropped below 90 lbs. “Ayoko pong isipin ninyong dedma ako sa pinagdaraanan ng mga kapwa nating Pilipino. Hindi na ako magdedetalye, pero non-stop ang communication ko sa mga kaibigan ko kung paano makakatulong.”