Isa sa ipinagmamalaking atleta ng Pilipinas ay ang billiard champion na si Rubilen “Bingkay” Amit. Nito lamang ika-8 ng Setyembre sa Claudelands Events Centre sa Hamilton, New Zealand ay nasungkit niya ang world title na WPA Women’s World 9-Ball Champion. Ang 42-year-old billiard player ay ang kauna-unahang Pilipinang nagkamit ng titulong ito.
Natalo niya ang 2017 world champion na si Chen Siming ng China sa scores na 1-4, 4-2, 4-2, at 4-3. Bago harapin ang manlalarong Tsino, natalo niya rin si Kristina Tkach ng Russia. Bilang kampeon, nakamit ni Amit ang $50,000 na premyo. Aprubado ng World Pool-Billiard Association ang titulong ito.
Mayroong dalawang world titles si Bingkay—ang 2009 at 2013 World 10-Ball Championships. May sampung gold medals din siya sa Southeast Asian Games, kalahati nito ay para sa 9-Ball singles. Kaya naman matagal na niyang inaasam ang world championship sa 9-Ball—runner-up lamang siya rito noong 2007. Pero ngayon nga ay nagtagumpay na siyang makamit ang matagal nang minimithing world title.
Maagang nagsimula sa bilyar si Bingkay, isang Cebuana, pero pastime lamang ito noon para sa kanya dahil basketball ang una niyang hilig. Ngunit dahil bilyarista ang kanyang ama, nahimok siya nitong maglaro rin ng bilyar, hanggang sa nagsimula siyang sumali sa mga tournament noong siya ay high school pa lang. Suportado ng buong pamilya ang paglalaro ni Bingkay, kaya naman naging matagumpay siya sa napiling sport.
Mainit na pagbati, Rubilen “Bingkay” Amit!