ALAM na alam ni Kim Domingo ang nararanasan ng mga ume-extra sa pelikula. Naging extra rin kasi noon dahil pangarap niyang maging isang sikat na artista.
Kaya relate na relate si Kim sa post ng isang nagngangalang Efren Mark Cinco na isang extra sa isang TV show.
Naalala niya noong lumalabas din siyang extra at hinding-hindi niya makakalimutan ang dinanas niyang hirap, pagod, puyat at gutom nang maging extra siya.
“Hindi ko makalilimutan nu’ng mga panahon na nagta-talent pa ko, high school days ko. Mga panahong nangangarap pa lamang akong maging artista, init, pagod, puyat, gutom, halo-halo na ‘yung nararamdaman mo. Tapos, kapag kakain ka kahit saan na lang basta may mapuwestuhan ka. Na-experience ko sa kalsada naglagay lang kami ng mga kapwa ko talent ng sapin para may maupuan kami para makakain ng kahit papano kumportable. Tapos after kumain mahaba-habang oras na naman aantayin mo kung kailan ka isasalang sa eksena. ‘Yung hindi mo alam ano oras ka makakauwi. Antok na antok kana. Hahanap ka puwesto para umidlip man lang,” post ni Kim.
Nakatanggap daw siya ng bayad na P500 bilang extra sa isang magdamag na shooting. Gagamitin daw sana niya ang pera natanggap pambili ng damit na gagamitin niya para susunod na shooting kung sakaling kukunin siyang extra. Pero dahil kapos sila sa pera para panggastos ay binibigay na lang niya sa kanyang magulang ang kinita.
Hindi nawalan ng pag-asa na balang araw ay mabibigyan din siya ng break para matupad ang pangarap na maging artista. Kaya laking pasalamat niya sa mga taong nagtiwala sa kanya dahil ngayon ay unti-unti nang natutupad ang matagal na niyang pangarap.
Payo niya sa mga tulad niyang naging extra na huwag mawawalan ng pag-asa at ipagpatuloy lang nila ang kanilang mga pangarap.
Laking pasalamat din ni Kim sa GMA 7 dahil isinama siya sa Bubble Gang na napapanood every Friday. Kahit ano raw ang mangyari ay hinding-hindi niya lalayasan ang longest running gag show sa telebisyon, maliban na lang daw kung ayaw na sa kanya ng network.
VG DANIEL FERNANDO GUSTONG UMARTE
PERO ‘DI KAKAYANIN NG ISKEDYUL
HINDI makalilimutan ni Vice Governor Daniel Fernando nang mapasama siya sa seryeng Ikaw Lang Ang Iibigan sa ABS-CBN. Malaking tulong sa kanya ang serye dahil muli niyang nailabas ang kanyang talent sa pag-arte.
Nakausap namin si Gov. Daniel sa isang lunch sa Calumpit, Bulacan at ayon kay Vice Gov. marami siyang offer sa pelikula at teleserye na kaniyang tinanggihan.
Tulad ng bagong serye na The General`s Daughter with Angel Locsin na dapat daw ay kasama siya bilang isa sa main kontrabida at gustong-gusto raw niyang gawin pero hindi raw talaga kaya ng schedule niya sa ngayon.
“Siyempre, nanghihinayang ako, maganda sana ang role kaya lang talagang hindi ko kaya, e. Itong “Ikaw Lang Ang Iibigin,” ginawa ko na lang ‘yun pero talagang nahirapan ako sa schedule but buti na lang, nagpapasalamat ako sa ABS-CBN kasi binibigyan nila ako ng pagkakataon. Na bawat hilingin kong oras sa politika, binibigay naman nila.
“Pero siyempre nahihiya rin ako sa ABS-CBN, dahil kung bibigyan nila ulit ako ng ganoong pagkakataon, kukunin ko yung time ng ibang taping sa politika, parang nakakahiya. So, siyempre, naantala rin ang mga kapwa ko artista. So focus muna ako sa politika,” pahayag ni Vice Gov. Daniel Fernando.
Sa lunch namin kay Vice Gov. ay nakita namin si Dan Alvaro, ang dating action star na na-link pa kay Nora Aunor.
Ayon kay Vice Gov. kinuha niya si Dan bilang Chief ng kaniyang security.
Kilala niya kasi si Dan na bukod sa mahusay na co-actor ay magaling din makisama at matulungin din sa kapwa, tulad niya.
Tanong namin kay Dan kung ano ba talaga ang naging relasyon niya kay Nora. Na-link kasi siya sa Superstar noong magsama sila sa pelikula.
“No, hindi kami nagkaroon ng relasyon ni Ate Guy. Kapatid ang turing sa kanya at ganoon din siya. Baka muli kaming magsama sa pelikula ni Ate Guy. Tinawagan na ako,” pahayag ni Dan Alvaro na macho pa rin hanggang ngayon.
Hanggang ngayon ay single pa rin si Vice Gov. Kung kailan daw siya lalagay sa tahimik ay hahayaan niya ang panahon ang magdikta.
Comments are closed.