(Pagpapatuloy…)
TAMPOK din sa Kingly Treasures Auction ang mga kababaihang humubog sa kasaysayan ng Pilipinas. Ang “Tinikling No. 2” ni Carlos “Botong” V. Francisco, mula sa koleksyon ni Estefania “Fanny” Aldaba Lim—na hindi lamang ang kauna-unahang babaeng Cabinet Secretary ng bansa kundi isang beterano sa larangan ng sikolohiya sa bansa—ay sumasalamin sa diwa ng kulturang Pilipino sa pamamagitan ng paglalarawan nito ng tradisyonal na sayaw.
Ang “Lavanderas by the Stream” ni Anita Magsaysay-Ho, na nilikha noong 1934, ay nagpapakita ng kanyang pagsisiyasat sa kababaihan bilang paksa, na may impluwensiya ng kanyang guro na si Fernando Amorsolo. Samantala, ang abstract artwork na gawa ni Nena Saguil, na iniregalo kay Tetta Agustin, ay sumasalamin sa pagsasanib ng landas ng dalawang kababaihan— isa sa sining at ang isa sa mundo ng fashion.
Ang mga kolektor ay gaganap din ng pangunahing papel sa kaganapang ito. Ang koleksiyon nina Freddie at Elizabeth Webb ay nagtatampok ng mga kilalang manlilikhang Pilipino, kabilang ang “Higantes Festival” ni Mario Parial at “Jagged Shore” ni Juvenal Sansó.
Mula sa koleksiyon ni Ambassador Pedro Conlu Hernaez ay nagmumula naman ang “La Majordoma” ni Juan Luna, isang makabuluhang piyesa mula sa social realist period ni Luna. Dagdag pa rito, ang “A Foul Wind on the 11th Day of February 1986” ni Jerry Elizalde Navarro ay nagbibigay pugay kay Evelio Javier, isang pangunahing tauhan sa People Power Revolution.
Ikatutuwa rin ng lahat ang malaking mixed-media panel ni Alfonso Ossorio, na puno ng enerhiya dulot ng kanyang pakikipagkaibigan kay Jackson Pollock. Lima lamang ang gawa niyang gaya nito at ito na ang huling natitirang piyesa na kabilang sa isang pribadong koleksyon.
Sa diwa ng pagbabahaginan ngayong panahon ng Pasko, nakikipagtulungan ang León Gallery sa International School Manila (ISM), na mag-aauction ng ilang mahahalagang piyesa—kabilang ang isang masterwork ni Jigger Cruz—upang suportahan ang ISM Filipino Scholars Program.
Ang Kingly Treasures Auction ay gaganapin sa Nobyembre 30 sa Eurovilla 1, Rufino Corner Legazpi Streets, Legazpi Village, Makati City. Ang preview week ay mula Nobyembre 23 hanggang Nobyembre 29 mula 9:00 a.m.hanggang 7:00 p.m. Para sa karagdagang katanungan, mag-email sa [email protected] o makipag-ugnayan sa +632 8856-27-81. Upang tingnan ang katalogo, bisitahin ang www.leon-gallery.com.
I-follow ang León Gallery sa kanilang mga social media pages para sa mga updates: Facebook – www.facebook.com/leongallerymakati at Instagram @leongallerymakati.