KINGS, HOTSHOTS SASALANG NA

hotshots

Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
3 p.m. – Magnolia vs Terrafirma
5:45 p.m. – Ginebra vs Rain or Shine

MULING pangungunahan ni resident import Justin Brownlee ang title campaign ng Barangay Ginebra sa PBA Commissioner’s Cup sa pagharap sa Rain or Shine sa una nilang laro ngayon sa Mall of Asia Arena.

Nakatakda ang salpukan ng Gin Kings at Elasto Painters sa main game sa alas-5:45 ng hapon.

Haharapin ni Brownlee ang bagong import ng Rain or Shine na si Steve Taylor.

Bagaman lamang sa billing, kailangan pa ring maglaro nang husto ng tropa ni coach Tim Cone para hindi masilat dahil may kakayahan ang Elasto Painters ni coach Yeng Guiao na baligtarin ang mesa sa kanilang pabor at bumawi mula sa 90-96 pagkatalo sa NLEX Road Warriors noong Sept. 23.

Makakatuwang ni Brownlee ang deadly frontline trio nina LA Tenorio, Scottie Thompson at Stanley Pringle, gayundin sina tower twins Japeth Aguilar at Christian Standhardinger.

Tatapatan nina Rey Mambatac, Leonard Santillan, Beau Belga, Norbert Torres at Jewel Ponferrada ang opensiba ng Barangay Ginebra.

Samantala, target ng well-rested Magnolia, higit na pamilyar ngayon sa kanilang import, na mainit na simulan ang kanilang kampanya sa pagsagupa sa Terrafirma sa alas-3 ng hapon.

Dahil sa hindi binanggit na injury, si Calvin Abueva ay isang game-time decision para sa Hotshots subalit kumpiyansa si coach Chito Victolero na mapupunan ito ng kanyang tropa.

“I think we’re ready naman,” sabi ni Victolero sa bisperas ng laban.

“‘Yung import nakasama na namin for the last three weeks so chemistry with him okay naman. ‘Yung mga players naging maganda rin pahinga kasi medyo talagang bugbog noong playoffs.

“Iyon lang kasi inaalalayan ko, timing at chemistry with the import.”

Sisikapin naman ng Terrafirma squad na makabawi mula sa 110-124 pagkatalo sa Converge noong nakaraang Biyernes.

CLYDE MARIANO